Monday, January 23, 2012

Salamat, Pamagat!

Enero 18, 2012. Ika-pito ng gabi. Kadiliman. Hingal. Pawis. Dalawang katawan ang madaling-madali, aligaga. Malagkit. Malikot. Hindi tumitigil.

"Bilisan mo."

"Oo, sige."

"Doon. Doon!"

"Ahh!"

"Bilisan natin..!"

"Malapit na!"

"Mauuna na ako."

"Huwag!"

"Bilisan mo pa!"

"Onti na lang."

"YES!"

At sa wakas, nakarating din kami sa Faber Hall (Rizal Mini-Theater) kung saan itatanghal ang "R.I.P." Muntik na kaming mahuli! May pagsusulit kasi ang karamihan sa amin, at kumain pa kami sa labas. Sa kabutihang palad, nasimulan namin ang dula at talagang nasiyahan kami sa kabuuan nito. Isa nga sa mga higit kong ikinaaliw ay ang paglalaro sa mga salita upang ito'y magkaroon ng mga kahulugang labas sa kumbensyon na naglalaro sa pagitan ng katanggap-tanggap at dapat sensurahin (lalo na't nanonood din ang mga pinuno ng paaralan, tulad ni Fr. Jett Villarin!). Ngunit, higit na bumagabag sa aking isip ay ang pamagat.



Dati.


Ang pamagat ng dula ay hiniram mula sa orihinal na katha ni G. Severino Reyes. Ang dulang "R.I.P." ay ang kontemporaneong pag-aangkop ni Dr. Alvin Yapan ng isang-yugtong dula ni Ginoong Reyes sa parehong pamagat, na may inihalong mga intermedyo mula sa "La India Elegante y el Negro Amante" ni Francisco Balagtas Balthazar na may isang yugto lamang din. Maraming tagpo at elemento ang idinagdag, lalo na sa huli, upang masalamin ang kalagayan ng aliwan dito sa Filipinas. Kung tutuusin, marami na silang naidagdag na kaisipan ngunit bakit hindi nila binago ang pamagat na ito? Marami namang pamagat ang maaring ipalit sa R.I.P. Ito ba'y dahil sa paggalang sa orihinal na may-akda? Maari namang ilagay na lamang ito bilang isang pasubali o paalala kasama ng bagong pamagat, katulad ng kanilang ginawa sa "La India Elegante y el Negro Amante." Ngunit, ito ang napagpasiyahan ng mga tagapalabas kaya sigurado akong ito'y napagpili bilang pinakamabisang pamagat. Sabay nating tuklasin kung gaano kabisa ang R.I.P. bilang pamagat.

Mahirap kalimutan ang ganitong larawan.


Ang pamagat ang isa sa mga madalas makalimutan o isantabi bilang isang aspekto ng isang katha. Ngunit, kung iisipin, napakalaki ng nagagawa nito sa isang komposisyon. Una, ito ang nakakakuha ng atensyon ng tao. Pagkabasa o pagkarinig mo pa lamang sa isang pamagat ay mapapaisip ka na kung tungkol saan ito at kung interesante ito. Ang pamagat na R.I.P., na nangangahulugang “Requiescat in Pace” sa Latin at “Rest in Peace” sa Ingles, ay lubhang pinagtakhan ko nang una ko itong marinig, lalo na nang makita ko ang mga paskil nito na may payaso. Isang balintuna ang pagkakaroon ng pamagat na R.I.P. na may temang kamatayan o pamamayapa habang may isang payaso, na dapat laging masaya at puno ng buhay, sa mga tauhan ng dulang ito. Dito pa lamang ay makikita na kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng pamagat – napaiisip ang tao, naitutulak ang kanilang imahinasyon na gumawa ng kahulugan at ugnayan sa mga bagay na sa unang tingin ay wala namang kaugnayan. Lubhang nakapanghihikayat ang R.I.P. bilang isang pamagat.



Hindi lang ito ang naaalala ko sa direktor.

Ikalawa, ang pamagat ang nagsisilbing paunang-tingin sa isang katha. Mas mabisa kung ang pamagat ay mahalaga sa kwento. Hindi ibig sabihin nito na dapat ang pamagat ay isang linya o tauhan sa katha, ngunit makatutulong kung oo, dahil ito ang isa sa mga matatandaan ng mga manonood o mambabasa. Ang tumatak sa aking isipan bilang manonood ay ang huling mga linya ni Mang Colas, ang direktor sa “R.I.P.” Sa kanyang huling linya, saka niya iniugnay nang lantaran ang pamagat ng dula sa kanilang itinanghal – na unti-unti nang namamatay ang mga tradisyonal na aliwan natin. Dahil dito’y tuwing maririnig ko ang dulang “R.I.P.,” ang una kong maaalala ay ang direktor at ang kanyang pananaghoy sa kinahantungan ng ating libangan. Biglang nabuo ang palaisipan at nasagot ang bugtong na pamagat na “R.I.P.” – para bang ang lahat ng nangyari, kahit gaano man ito kalayo sa pagkamatay noong simula ng palabas, ay nagkaroon ng kabuluhan at koneksyon sa pamagat. Sa pamamagitan ng matalinong pag-iisip ng pamagat ay nagkaroon ng pagkakaisa ang buong palabas. Bukod sa pagiging paunang-tingin ng R.I.P., nagsilbi itong kola na napagsama-sama at bumuo sa isang napakahusay na katha.



Sino ka?

Ikatlo, ang pamagat ang nagsisilbing identidad ng katha. Isipin na lamang na ang pangalan ng katha ay ang pamagat nito, at ang apelyido nito ay ang may-akda. Ang pamagat ang maiiwang marka sa mga manonood. Dapat matipid at makabuluhan ang paggamit sa mga salita sa pamagat dahil habang ito’y mas maiksi, mas madali itong matandaan ng mga manonood o mambabasa. Ang R.I.P. ay napakagandang halimbawa nito sapagkat ito’y maiksi ngunit napakabigat sa kahulugan na dinadala nito. Ang R.I.P. ang sumisimbolo sa pagkawala ng ibang uri ng aliwan sa atin. Ngunit, gaya ng mga pumanaw na, iniisip natin na naririto pa rin sila – oo, hindi pa sila tuluyang nawawala. Ang mga tema ng komedya, tulad ng tagumpay at katapangan, at ang sa sarsuwela, tulad ng pag-ibig, kasawian at kalungkutan ay hindi pa tuluyang namamatay, bagkus, lumipat lamang sa ibang paraan ng pagpapahayag tulad ng pinilakang tabing at/o sa telebisyon. Maiksi ngunit makahulugan – iyan ang R.I.P.



Ang saya nilang tingnan.


Huli, ang pamagat ay sumisimbolo ng posisyon at kapangyarihan. Ang pamagat ay isang titulo. Ang titulo ay maaring tukuyin bilang isang titulo ng lupa, na katibayan ng pagmamay-ari, titulo sa opisina, na nangangahulugan ng posisyon, o titulo mula sa akademya, tulad ng Ph.D. at M.A. Ang “Gat,” na maaring halaw mula sa salitang pamagat, ay sinasabing titulo ng isang maharlika noong unang panahon. Hanggang ngayo’y ginagamit natin ito sa mga bayani tulad ni Gat Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio. Ganito kahalaga ang isang pamagat. Ang R.I.P. ay nagiging makapangyarihan dahil itinatatag nito ang posisyon ng dula sa mga usapin tungkol sa aliwan dito sa Filipinas. Kitang-kita ang panunuya nito sa mga ipinapakitang kilos bunsod ng pagnanasa ng mga nagsisipagganap sa mga dula noon hanggang ngayon, na halos ginagawa na nilang katawa-tawa ang mga ito. Ang kapangyarihan ng dulang “R.I.P.” ay ang kapangyarihang pag-isipin ang manonood – makakamtan nga kaya ang kapayapaang hinahanap sa kamatayan kung ang iniwan na kalagayan ng aliwan dito sa Filipinas ay walang pinagbago sa dati, mga ningas-kugon na napapalitan na lamang ng kung anumang makita mula sa ibang bansa? Oo, maganda ang pagsasa-Filipino ng mga aliwang mula sa ibang bansa, ngunit kung hindi natin kayang pangalagaan at linangin ang mayroon tayo, hindi ba’t kailangan munang mas pagtuunang-pansin ang pagpapayaman sa mga sariling atin? Kakaunti pa alamang ang mga ito sa mga kaisipan at tanong na naitanim sa aking isipan nang mapanood ko ang dula at nang i-ugnay ko ang pamagat nito sa mga tagpo. At dito nanggagaling ang kapangyarihan ng pamagat na payamanin ang dula.



Dati.


Makapangyarihan, nakapanghihikayat at akma – iyan ang R.I.P. bilang pamagat. Ipinapakita nito na posibleng makahanap ng mahusay na pamagat para sa isang mahusay na katha. Ang tagumpay sa paghahanap ng mabisang pamagat ay makagagawa ng panibagong lente kung saan maaring makita ng mga tumatangkilik ang mundo ng panitikan, na siya na ngang tumulak sa akin upang gumawa ng ganitong uri ng pagsusuri. Ang R.I.P. and bumuhay sa “R.I.P.”

Salamat, pamagat.


4x Records, “Adelphi Theater,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/9427567@N02/1203048375/ (accessed January 23, 2012).

Brad Gouthro Fitness, “Abs Shot Hands On Hips,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/bradgouthrofitness/4838802289/ (accessed January 23, 2012).

Cash443, “RIP Grave,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/cash443/5133101706/ (accessed January 23, 2012).

Jack Zalium, “Mug Shot,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/kaiban/6673936451/ (accessed January 23, 2012).

kawwsu29, “Stage,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/historian77/2271991111/ (accessed January 23, 2012).

Notley, “Superhero Day,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/10thavenue/5131846961/ (accessed January 23, 2012).

2 comments:

  1. MAYROON PO BA KAYONG BUONG AKDDA NG R.I.P?

    ReplyDelete
  2. Mayroon ba kayong buong akda ng R.I.P? Sana ma notice niyo po

    ReplyDelete