Wednesday, January 25, 2012

Pitik-mata

Kamangmangan. Katiwalian. Kahirapan. Kamatayan. Napakadaling iiwas ang tingin sa mga problemang ito. Ang daling pumikit, takpan ang tainga, isipin lamang ang sarili at magpatuloy mabuhay. Siguro ito ang isa sa mga pribilehiyo ng walang malay sa kanyang paligid, ng isang ignorante. Ngunit sa edad natin ngayon, kung ito'y ating gagawin, niloloko lamang natin ang ating mga sarili. Oo, hindi pa tayo "matanda," ngunit hindi rin naman tayo mga "bata." Hanggang kailan tayo tatakas sa katotohanang hindi maganda at masaya ang mundo? Panahon na para buksan ang ating mga mata. Mas maganda kung tayo na mismo ang magbubukas sa ating mga sarili dahil darating ang panahon na hindi na natin ito kayang takasan. Dahil darating ang panahon na ito'y nasa ating harapan na, o tayo mismo ang nasa ganitong kalagayan. Dahil darating ang panahon na ang mga kamay ng realidad na mismo ang magbubukas sa talukap ng ating mga mata, ang pipilit sa ating tingnan ang mga problema ng mundo. Hihintayin pa ba natin ito?

PITIK-MATA

Tok! Tok!
Buksan mo
Ang pintong nakapinid.
Hindi ako makapasok.

Tok, tok!
Kailangan kong ibahagi
Ang kailangan mong malaman.
Ito'y paanyaya.

Tok, tok, tok!
Huwag aantok-antok.
Ako'y tanggapin.
Pagpunta ko'y huwag sayangin.

Tok! Tok! Tok!
Kailanman,
Hindi mo makakayang takbuhan
Ang mundong ginagalawan.

TOK! TOK!
Ako ba'y talagang itatakwil?!
Pakinggan ang aking tinig!
Ibaling sa akin ang tingin!

KABLAG.
Hoy!
Ika'y gumising,
Gumising sa pagkakahimbing!

Huwag kang tumakas!
Sarili ay buksan.



Ipinagpapasalamat ko na sa panahon ngayon, madaling makahanap ng pagkakataong makatulong. Sa loob ng ating pamantasan pa lamang, napakarami nang proyektong naglalayong makatulong sa iba. Maging sensitibo sa iyong paligid. Itaas ang kamalayan. Oras nang magbago.

2 comments:

  1. Maaari pang mapatalas ang pagmamalay sa paligid sa pamamagitan ng pagpapagana ng pandama.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat po sa puna, sir! Isasaalang-alang ko po ang inyong puna sa mga susunod ko pong entri. 😃

      Delete