Wednesday, January 25, 2012

Sa Totoo Lang

Ito na siguro ang nag-iisang journal na pinakamukhang diary entry na gagawin ko. At isa sa pinakakulang sa "laman." Ngunit, sa ngayon, kahit alam kong kapos ito sa nilalaman(pagsusuri, atbp.), nais ko lang munang ilabas ang aking damdamin.

Shocks.

Di ako nakapunta. Nakalimutan ko. Nasa bahay na ako nito. Nakahiga ako, nahihirapan sa paggawa ng pagsusuri sa tula para sa klase ko sa panitikan at biglang nag-ingay ang cellphone ko. May paalala pala akong inilagay para sa talakayan ukol sa R.I.P.

Nabwisit ako bigla sa sarili ko. Haha.

Minsan lang ako makalimot ng mga ganito. At sa totoo lang, ito ang pinakaayaw ko. Marami akong dapat gawin, oo, pero mas pagsisihan ko kung hindi ako pumunta dahil minsan lang naman magkaroon ng pagkakataong matuto (at libre pa!). Kakayanin ko naman sana kahit kapusin man ako sa oras.

Ang saya pa naman ng araw na 'to. Himala akong nagkaroon ng mataas na marka sa sipnayan. Pero mas natuwa ako kasi nagulat ako - kaya ko palang sagutan iyong mga tanong na ganoon kahirap (para sa akin)!

Pero ngayon, hay. Sa sobrang inis ko, gagawa na lang ako ng panibagong tula. Anadiplosis ang gagamitin ko kasi naaaliw akong basahin ito noong Martes.




KATARSIS

Kailangan ko ng lakas
Lakas upang mabigkas
Mabigkas nang mahinusay
Mahinusay ang damdami't ialay

Ialay sa iyo ang bukas
Bukas at ang labi kong oras
Oras na ilalagay ko sa iyong kamay
Kamay na hawak maging aking buhay.




Pero teka, parang puro tula lang yata ang ginagawa ko. Nakakaaliw kasi na ang tula ay napakadaling ibagay sa kahit anong nais mong ihayag, at dahil wala itong anyo na dapat sundin, mapapagana mo ang iyong imahinasyon nang mabuti. Sa susunod, maikling kwento naman. May idea na ako para sa banghay.

Pero baka isulat ko muna iyong dalawang tula na nasa isip ko pa. Haha.

2 comments:

  1. Kung pinaghirapan pa sana ang tugma at sukat sa anadiplosis, maaaring binigyan ko ito ng +1.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ahh! Salamat po sa puna, sir!

      Hindi na po ba namin maaaring palitan ang entri at muling i-submit sa inyo?

      Delete