Sunday, January 22, 2012

Kahapon, Ngayon at Bagol

Ang sarap sariwain ng nakaraan. Alam kong hindi na natin ito maibabalik, pero may tamis, na may kalakip ring lungkot, sa pagbalik-tanaw sa mga alaalang ito. Unang taon ko pa lamang sa kolehiyo. Labimpitong taong-gulang pa lamang ako. Ngunit, minsa'y nahuhuli ko ang aking sariling bumabalik sa kahapon - sa paaralan ko nang sampung taon, sa mga kamag-aral kong halos hindi na nahiwalay sa akin sa loob ng kaparehong haba ng panahon, at sa lahat ng aking naranasan noon doon. Marahil dahil na rin ito sa aking kabataan, na minsa'y bigla na lamang ako mapapaisip kung kailan, saan at paano ito maibabalik.
Alam kong marami pa akong dapat makita, malaman, maranasan. Masaya rin naman ako kung sino at nasaan ako ngayon. Ngunit para sa akin, hindi dapat isinasantabi ang nakaraan. Ito ang bumuo sa akin - katulad nga ng nasabi sa diskusyon, ang alaala ang bumubuo sa identidad ng tao, ang pagkatao ng tao. Sa kabilang banda, hindi rin naman dapat dito manatili. Tamang balanse ang kinakailangan para masigurong hindi nakakaligtaan ang luma sa bago at ang bago sa luma.
Pinahahalagahan ko ang dalawa dahil para sa akin, hindi ako ang ako na walang kahapon o ngayon. Ang hinaharap ay bunga ng ngayon na binunga ng kahapon. Pero sa ibang pagkakataon ko na iyon tatalakayin.
*Sinasadya ko ang hindi paggamit ng malalaking titik sa unang salita sa bawat pangungusap at ang hindi paglalagay ng bantas, maliban na lamang sa kuwit sa huling linya.


BALIK-TANAW
kalimutan
ang panahong imposibleng
balikan
at
mabuhay
ngayon
iwanan ang
lahat
sa nakaraan
tawanan, iyakan
bumalik sa
kasalukuyan
ang nananatili hindi ang
kahapon
kong
hindi, gusto

Ang ngayon…
Kalimutan ang panahong imposibleng balikan at mabuhay ngayon. Iwanan ang lahat sa nakaraan - tawanan, iyakan. Bumalik sa kasalukuyan - ang nananatili, hindi ang kahapon kong hindi gusto.

...at ang kahapon
Hindi, gusto kong kahapon ang nananatili, hindi ang kasalukuyan. Bumalik sa tawanan, iyakan sa nakaraan - lahat. Iwanan ang ngayon. Mabuhay at balikan ang panahong imposibleng kalimutan.


Ang ngayon at kahapon ang magkabilang mukha ng bagol ng panahon. Kung wala ang isa, ang bagol ay hindi magiging bagol.

1 comment:

  1. Mahusay ang paglalaro na ito sa direksiyon ng pagbasa kaugnay ng panahon, Charlene. Binibigyan kita ng +1 na letter grade para sa entring ito.

    ReplyDelete