Nakakalungkot isipin na ang pamagat ang isa sa mga huling isaalang-alang pagdating sa pagsusuri sa mga aspekto ng isang katha samantalang isa ito sa mga unang napapansin sa nasabing katha. Napakahalaga pa naman ng pamagat! Sa lahat ng isinusulat ko, sanaysay man, tula o dula, ang laging inuuna ko ay ang pamagat. Nakatutulong ito na mabuo ang pokus at tema ng aking katha. At, bagaman malaki ang saklaw nitong paksa kung ihahambing sa tesis, ang kalawakang ito ay nagsisilbi pa ngang kapaki-pakinabang dahil mas maluwang ang puwang na maaring paglaruan ng aking imahinasyon sa paglikha ng mga katha.
Minsan, mas natatagalan pa akong makaisip ng pamagat kaysa ang katawan mismo ng katha. Napakahirap mag-isip ng pamagat! Ang kakaunting mga salitang iyong ilalagay bilang pamagat ang sima na hahatak sa mga mambabasa. Ngunit, hindi ito nagtatapos sa pagiging nakapanghihikayat. Kailangang dito umiikot ang isang katha. Ang mahusay na pamagat ay nagbibigay dapat ng bagong dimensyon sa lalim ng kahulugan at kabuluhan ng isang katha. At, sa dulang pinamagatang R.I.P., hindi lamang ito nakapanghihikayat sa isang tao na manood, nakatatawag-pansin din ito sa isang manunuri na isipin ang dahilan sa pagpili ng pamagat na ito. Mabisa ang pamagat na R.I.P.
AteneoENTABLADO, “RIP Promo Vid.mp4,” YouTube video, http://www.youtube.com/watch?v=gNK4NPlWVOw (accessed January 23, 2012).
No comments:
Post a Comment