Sabi ni Toy, kabalyero raw kami. Ano ba iyon? Mukhang hindi maganda. Parang hayop iyong tunog eh. O kaya kaldero. O baka mas maganda maging kaldero? Pero kung magiging gamit panluto lang din naman kami, mas gusto ko maging sandok. Kung anu-anong ulam ang natitikman ng sandok. Pero, di tulad ng kutsara, di niya kailangang maglabasmasok sa bunganga ng kung sino. Gusto ko sandok. Para masarap.
Pero wala pa ring tatalo sa batuta ko. Laspag na ito. Gamit na gamit na. Hindi ko maalala kung kailan ko ba ito unang nakuha. Basta, noong nagkamalay ako, hanggang sa naaalala ko, hawak ko na ito.
Mapagkakatiwalaan ba ang alaala? Hindi ko na maalala ang kulay ng damit ni Aling Sungit. Nakadamit ba siya? Nakakadiri naman kung hindi. Bakit nakakadiri? Bakit bawal maghubad?
Maghubad kaya ako ngayon?
Nakakahiya.
Teka. Isa-isang tanong lang. Nararamdaman ko ang dugo sa utak ko. Alaala. Marami tayong hindi maalala. At kung may superpower tayong mga tao, sigurado akong lahat ay magaling manloko. Pati sarili natin kaya nating lokohin e. Kung iisipin ko lang ngayon na nakakulay pusha-pusya-fusha... pucha, pink... si Aling Sungit, e di puwede ko nang paniwalain ang sarili ko na pink nga iyon at hindi porpol. Ang dali lang, di ba. Superhero na ako. Superman-loloko. Ehehehehe.
Alaala. Bakit naman kasi ang daling dayain? Hindi ba puwedeng may isip tayong parang DVD? Para puwedeng ulit-ulitin, i-rewind, i-fast forward, o i-pause. Mura lang naman ang DVD, singkwenta dalawa. Bakit kaya di naisip iyon ng kung sino man ang gumawa sa isip at alaala natin? Kung naging DVD na lang sana utak natin, tapos camera iyong mga mata natin, tapos puwede mag-transform sa malaking TV iyong talukap ng ating mga mata para kapag pumikit tayo, mapapanood natin ang kahapon, o kung anumang kabanata ng ating buhay ang nais nating balikan.
Ang ganda sigurong cartoons noon. Parang si Naruto lang. Magpaparami rin ako. Dahil gusto ko lang.
Mapagkakatiwalaan ba ang alaala? Kung kaya nating baguhin ang ating alaala, e di isang malaking kalokohan lang ang lahat. Naglolokohan na lang tayo. Paano kung hindi pala ako si Ne. At hindi si Toy si Toy. E di ang gulo na. Paano kung siya pala talaga si Ne at ako pala talaga si Toy? Lalong gumulo. Paano kung nagkataon lang na nagkauntugan kami at nagkapalit ang aming alaala, pero hindi namin alam at hanggang ngayon wala kaming malay na nagkapalit na pala kami?
Puwede na akong maging direktor.
Kung nabubura at nababaluktot ang alaala, ganoon din kaya ang kasaysayan? Hindi ba nakasalalay ang kasaysayan sa alaala? Sabihin na nating nakasalalay ito sa mga nakatalang pangyayari, pero hindi ba't kailangan mo munang maalala bago mo maitala? Paano kung nagsisinungaling ang alaala? E di wala na.
Ano pa ang mapagkakatiwalaan? Ano ang totoo?
Ang ngayon? Kung ano ba ang nakikita ko ngayon, heto lamang ang totoo? Paano ang hindi ko nakikita, nararamdaman, naririnig, naamoy, nalalasahan - wala na, peke na?
Ano ang totoo? Hindi natin alam. Basta, tayo ay nagtitiwala. Nagtitiwala sa mga alaalang ang katotohanan ay walang kasiguraduhan, ngunit mahalaga. Mahalaga dahil sa damdaming naiiwan ng bawat karanasan, bawat panahon na nagiging alaala.
At iyon ang mahalaga.
...Teka. Parang may nakalimutan yata akong tanong na dapat kong sagutin...
Buti hindi nakakabasa ng isip si Toy. Kung hindi, siguradong naasar na naman niya ako. Noong isang beses, tinanong ko siya kung saan nakasalalay ang buhay. Sabi niya, basta raw tumitibok ang puso, buhay pa. Kaso paano ang halaman, sabi ko. Tapos sabi niya, picha ka, suminghot ka na lang. At sabay tawa.
Pero saan nga ba?
Nakup. Kung nakakabasa lang talaga si Toy ng isip. Siguro high pa ako. Kaya kung ano-ano ang nasa isip ko.
Kahit ano namang isip ang gawin ko, hindi naman magiging pagkain ang mga ideya ko.
Pero basta nandito si Toy, kaya ko.
Basta nandito si Toy.