Sunday, August 19, 2012

Desperado na Ako sa 'Yo, +1


Habang pinapakinggan ito, harayain ang aking pagmumukha habang kinakanta ito at nagmamakaawa na mabigyan ng +1. Kung hindi man kaaya-aya ang imaheng mabubuo ng isipan, pagtawanan na lamang, o kaya'y bigyan na lamang ako ng +1 nang ako'y tumigil na.

----------------
Pahingi pong +1.
----------------

Sana gulay na lang ako. It's healthy and green and...

Sabi sa balita: "There has been a marked increase in the price of vegetables and seafood after the onslaught of the rains brought on by the southwest monsoon..."

Nakaiinggit naman ang mga gulay at pagkaing-dagat. Nasalanta man sila ng malakas na pag-ulan, may markang pagtaas naman sila. Ako kaya?





----------------
Pahingi pong +1.
----------------

Mga haiku ang peg kapag nagbe-beg

Bigyan n'yo ako
Ng plus one, sir. Please lang po.
O kaya plus two.

----------------

Walang magawa?
E di bigyan mo na lang
Ako ng plus one!

Kung marami kang
Ginagawa... ako rin!
Pahinging plus one...

----------------

Baka mas gusto
Kapag may tugma ito,
So, lalagyan ko.

Halatang pilit
Ang paggamit ng "gusto"
Pati ang iba.

Teka, okey lang
Ba na ang manga hayku
Ay magkarugtong?

----------------

Hindi naman na
Yata 'to hayku kasi
Parang k'wento lang.

Kaylangan yata
Malalim. Kailangang
'Pakitang-gilas.

----------------

Haiku. Pagkatha.
Marunong. Hindi. Ngunit.
Subukan pa rin.

----------------
Pahingi pong +1.
----------------

P'enge ako ng plus one


Lyrics:

Penge ako ng plus one
Kahit sabaw jornal ko.
Para umonti na lang ang gagawin pa.

Kelangan mo kong bigyan
Para ako'y sumaya.
Pagbigyan mo ako
Kasi kailangan. (Joke lang po, sir. Hindi naman po talaga kailangan pero...  please?)

[Refrain]
Kung ano man 'yang ginagawa mo
I-pause mo lang at i-plus one ako.
Bilisan mo at i-plus one na ‘yan
At gaganda ang ating samahan.

[Chorus]
Penge ako ng plus one.
Penge ako ng plus one.
Penge ako ng plus one.
Penge ako ng plus one.

Nakangiti na naman -
Gan'yan pag mayro'ng plus one.
Gusto n'yo ba 'kong bigyan ng kalungkutan?

Kaya i-plus one na 'to
Pati na 'yung susunod.
H'wag n'yo naman na akong
Pahirapan.

[Repeat Refrain]

[Repeat Chorus]

Plus one, plus one, plus…
One, plus one…

[Repeat Refrain]

[Repeat Chorus]


----------------
Pahingi pong +1.
----------------

Ite-text kita, i-plus one mo ako.

Kaibigan! Kung dati, kailangan mo pang ipasa ang mensahe na ito sa sampung kaibigan, ngayon, bigyan mo lang ng +1 ang jornal entri na ito ay magiging ninja turtle ka na! Maniwala ka, kaibigan. Ninja turtle na ako.
----------------
...O sige, sige. Ayaw mong maging ninja turtle? Super saiyan kaya?
----------------

Ayaw mo rin?! Ninja? Kakausapin ko na lang ang kapitbahay kong hokage! 
----------------

Hindi mo alam ang Naruto?! O, heto, alam mo naman na siguro ang Transformers
----------------

'Yan, alam mo. Ayaw mo bang maging transformer? 'Yung robot ha, hindi 'yung sa kuryente. Bilis! Bigyan mo ako ng +1 at magiging transformer ka na. H'wag kang matawa! Totoo ito. Tricycle na nga ako e. 
----------------

Oo, ninja turtle na nagiging tricycle. Kaya +1 na!
----------------

 Please?

----------------
Pahingi pong +1.
----------------

P'h'ng' p'ng +1

M''ri b'ng b'gy'n n'ny' 'k' ng +1? N'gm'm'k''w' n' 'k'. K'ng h'n'd' n'ny' 'k' b'b'g'y'n ng +1... s'g', 'y's l'ng. 'y's l'ng t'l'g'. N'p'h'r'p'n n'm'n k't' s' p'gb'b's' n't'. P'r' b'gy'n n'ny' n' r'n 'k' ng +1. Pl''s'?

----------------
Pahingi pong +1.
----------------

Pangarap Kong +1

Mainit. Sobrang init.

Masikip. Sobrang sikip.

Maalinsangan ang araw at dinudumog pa rin ng maraming tao ang Quiapo ngayon, katulad ng lahat ng araw bago pa ito. Hindi naman ako laging naparirito ngunit sa bawat pagkakataong napupunta ako rito, lagi na lang mainit, lagi na lang masikip. At ang ingay. Sobrang ingay na nakabibingi na. Nakatatakot isipin na nagiging normal na ang ganitong ingay at nakakaya ko nang balewalain. Parang laging giyera.

At sa giyerang ito, may isang tinig ang gumising sa akin, "Suki! 'Lika, huhulaan kita." 

Ayaw ko. Ayaw ko talaga. Pero hinihila ng paa ko ang katawan ko, at hinihila ng katawan ko ang isip ko. At, sa huli, sige na nga. Ano pa nga ba, naririto na ako sa harap ng napakaganda at seksing manghuhula. 

At sabi niya, "Hmm... nakikita ko... nakikita ko na... AH!"

At bigla siyang nanginig... at gumuhit. May crayons pa siya.

Pagkatapos ng ilang sandali, ibinigay niya sa akin ang kan'yang nilikha. Nagulat ako, ang galing niyang gumuhit! May kulay pa! Lalo akong nagulat nang bigla niyang sambiting, "Ito! Ito! Itong lalaking ito... siya ang magpapasaya sa isang babaeng katulad kong seksi at maganda. Oo, tama. Siya ang hinahanap mo. Siya!"
Sobrang. Pogi. (Kasi bibigyan ako ng +1).

Naguluhan ako. Wala akong hinahanap na lalaki! Ngunit no'ng sinabi ko sa kan'ya ito, ang sabi lamang niya ay, "Wala. Akong. Pake."

At bigla siyang nanginig muli at... gumuhit. Naasar man ako sa kan'ya, namayani pa rin ang aking kagustuhang malaman kung anong iginuguhit niya. Hindi ako umalis. Colored pencils naman ngayon ang inilabas niya.

Ang ganda na naman ng iginuhit niya. Ngunit, nagtataka lang ako kung bakit may bilog sa gitna sa halip na mukha? Ngunit hindi ko na siya tinanong kasi alam ko na ang kan'yang sasabihin - Wala. Akong. Pake.

Sino ba 'to?! Ang ganda naman (ng buhok)!

At muli, bigla, siyang nagsalita at sinabing, "Siya! Siya ang napakagandang babae na pasasayahin ng matipunong lalaking iginuhit ko kanina! Oo... siya! Siya! Bibigyan ng +1 ang kan'yang entri!"

...Ano raw? Hindi ko na alam ang nangyayari. Ngunit, isa lang ang ipinagtataka ko, at iyon nga ang itinanong ko - "Paano n'yo naman nalamang mangyayari ito?"

At ang mabilis niyang sagot, "Because I said so."

Pagkatapos ay pinaalis na niya ako. At umalis naman ako. Pagkatapos kong makalayo ay 'tsaka ko lamang naisip na may mga tanong pang gumugulo sa akin isipan. Entri? +1? Ano 'yung mga 'yon? Pero parang gusto ko rin no'n... lalo na no'ng +1.

Babalik ako. At hahanapin ko ulit siya. Sana samahan mo ako.

Paano mahahanap ang napakaganda at seksing manghuhula na 'yon? Ah. May nametag siya. Char ang nakalagay.

----------------
Pahingi pong +1.
----------------

Aginaldong Piso (+1)

 128 na araw na lamang bago ang Pasko.
Nagpapaalala lang.
Sabi nila, mas mabuting magbigay kaysa tumanggap.
Ako, binibigyan kita ng isang markang pagtaas.
Binibigyan kita ng +1 sa lahat ng gawain mo.
Ikaw? Nakapagbigay ka na ba sa kapuwa mo ng +1?
Marami kang mapasasayang tao sa ibibigay mong +1.
Kaya nga binibigyan kita ng +1.
Sana, marami kang bigyan ng +1. At sana, kasama ako roon.
Kahit isa lang ang bigyan mo ng +1.
Basta ako 'yon.

At sana napansin mong walang 'e'.
+1 pa rin kahit hindi!
Lalo na kung hindi.
Plis?

----------------
Pahingi pong +1.
----------------

#PogiSiSir #Let'sGoPlusOne

 Onting desperado pa, ipapa-trend ko na ang #PogiSiSerKayaPlisPlusOne. O para mas maikli, #+1 o #PlusOne na lang. 

...Ah! #PlusOneGinoongEdgar na lang! Kapag pinaikli, #POGE.

#POGE, please!

Para hindi masyadong lantaran magamit din sa iba, #POGi na lang - #PlusOneGinoo o kaya #PlusOneGinang. Puwede na ang ginoo para sa binibini (Aba Ginoong Maria ang peg).

Pero, #POGE pa rin.  Mas pogeng pakinggan e. Let's go, #POGE!

----------------
Pahingi pong +1.
----------------

Nakatutuwang isipin na sa sobrang kawalan ng maipapaksa ay umabot sa ganito ang narating ng aking isipan. Sana'y natuwa rin kayo... at bigyan ako ng +1


Mga Sanggunian:

danbie hortaleza. "desperado by rivermaya." YouTube. Online video clip, http://www.youtube.com/watch?v=p9L1kRZE4ac (accessed 19 August 2012).

itchywormsVEVO. "Itchyworms - Penge Naman Ako N'yan." YouTube. Online video clip, http://www.youtube.com/watch?v=Nixjt9pkhPI (accessed 19 August 2012).

*Ang pagsasalin ay galing sa Google Translate, kung hindi pa halata sa screenshot.

*Ang mga larawang in-edit ay galing sa Twitter account ng mga taong naroon. Hindi ko na ilalagay ang  kanilang username para kunwari may privacy.

*Sa blockmate kong wala laging pake sa lahat, wala rin akong pake. ('Yan, na-credit na kita. Happy?) Maraming salamat sa pagpapaalala sa akin na may kapitbahay pala akong hokage at tricycle ako, kahit "ninja tortel" na ako.

*Because-I-said-so guy, nakalimutan ko na kung sino ka, pero hindi ko makalilimutan ang angas mo. Kaya, isasama na rin kita rito!

#PogiSiSir #POGE #Let'sGoPlusOne 
#P'wedeRingPlusTwo #Umaasa

Saturday, August 11, 2012

Ako ay May TB (Tula Blues)


Ako ay May TB

Ako ay may TB
Umubo sa panyo
At biglang nakita
May dugo na pala.
Sayang ang panyo kong
Caruso ang logo.
Kung sa tisyu sana
Mabilis itapon.

------------------------------

Hindi Ito Tula

Ano ba ang tula?
Dahil ba may linya-
Ay, taludtod pala-
Tula na?
Dahil
Lamang
Ba
SaPaghihiwa-hiwalayNgMgaSalita?
O kaya
Sa mga patlang,
Mga espasyong tila sumisigaw na punan?
O sa mga talinhaga? Na sinlalim ng sapa sa kalsada kapag umuulan.
(Alam kong panget na halimbawa iyon.)
Sa mga (hindi) nasasabi?
O baka sa mga tanong nitong sinusubukang tanungin muli, at minsan, sagutin?
Saan? Ano? Paano masasabing ang isang tula
Ay isang tula?

Ano ang tula?

Sa wika ba ito nakasalalay?
(Make kain the omelette du fromage dine, pangga!
Charot lungs! Tinirsung qUowz nHuhsz.)


Sa dramatic situation, persona, tone o rhythm?
Kailangan bang animan? Limahan? Apatan?
(edit: hindi raw.)
Kailangan bang malinis?

Ano ang tula?

Ang pagtatanong ba sa kung anong kailangan ng tula ay katulad na rin ng paghanap ng formula nito? Maari ko bang sabihin na sa paghahanap ng formula ay tila lalo akong lumalayo sa diwa ng tula, at ng anomang sining, na dapat ay walang formula? Dahil kung may formula, ano ang 'bago'? Parang sinabi mong x equals y tapos mamaya gusto mong x equals z naman. Na p'wede naman.

(Ang panget talaga ng mga halimbawa ko.)

Kailangan bang isa lang ang paksang iniikutan ng isang tula?

Bakit ba
kasi
may tula? Bakit hindi
na lang sanaysay
ang lahat?
O dula? O alamat?
Paano kung lahat ay tula pala?

Na
ang lahat ng sining ay tula.
At
ang tula ay ang lahat.

Na,
Baka,
nasa pagpapakahulugan ng tao nakasalalay
Ang pagpapakahulugan
Sa sining bilang isang tula,
at ang tula bilang isang sining.

Teka.
Kung ganoon,
may personal definition
of poem tayo?
Personal God ang peg?

...

Ano ang tula?

...

Hay.
Sino bang sasagot sa akin?!

...

Hello, Google.

------------------------------

Parikala

Hindi ito tula,
Kundi isang talâ.
Ang laman ay walâ,
Katulad ng bulâ.
Magaan... ...at galâ.
Kung sa'n lang nagmulâ.
At, walang babalâ,
Biglang mawawalâ.
Ika'y tuminghala,
Humiling: himala.
Ngunit, ang malalâ,
Wala kang napalâ.

------------------------------

Hai(na)ku

Napakahirap.
Ang pagkatha ng tula'y
Madugo. Iyak.

------------------------------

Ang tagal ko nang hindi nagsusulat! Ngayon, alam ko nang ang ako na nakainom ng ilang baso ng kape at ang pagkatha ng tula ay seryosong hindi compatible. Sobrang sabaw lang!

*Ang una ay naisulat dahil may nabasa akong kuwento na ang bida ay nagka-TB. Naisip ko, kung mangyayari sa akin 'yon, sana tisyu talaga ang uubuhan ko, kasi ang hirap maglaba! Lalo na siguro kapag may TB ka. Hiwalay pa ang gamit mo kasi baka makahawa ka. -_-

*Ito naman ay naisulat dahil sobrang daming magandang tula na ipinapasa bilang jornal entri. Pero ano ba ang tula? Sa sobrang lawak ng pagpapakahulugan dito, nasaan ang hanggahan nito? Marahil ito ay para sa atin para tuklasin... ngunit sa ngayon, Google at mga klase muna ang magtuturo sa akin nito.

*Minsan, talagang wala lang akong maisip. Paano mo ipapakita ang kawalang iyon sa tula? Sinubukan ko, at mukhang wala akong napala. Ngunit, natuwa ako sa nagawa ko dahil ang tagal ko nang hindi nakagagawa ng tulang may sukat at tugma! Kaya ipinasa ko pa rin siya.

*Lubos akong natutuwa sa "tula'y" dahil napakalapit nito sa tulay. Ang hirap maging tulay! Lalo na siguro kung ikaw 'yong tulay sa may bayan (Marikina) - lagi na lang malapit bahain, lagi na lang natatakot mabangga ng kung ano-ano, lagi na lang dinadaanan, lagi na lang nabibigatan. "Stress!" siguro ang nais niyang isigaw. Haha. Pero, ang tula bilang tulay... napakahirap gawin nito, lalo na para sa akin, na hindi naman naging malikhain o mahusay sa pagkatha. Paano mo maipararating ang isang idea na ikaw mismo, hindi makayang buoin? Talagang madugo. Kaya naniniwala ako na ang sining ay hindi lamang talento, kundi, katulad ng salitang-ugat ng 'malikhain', may paglikha, may proseso, may pagsisikap na simulan at tapusin ang proseso. At kung pagsisikap lang naman, hindi ako magpapatalo! Haha!

Ang tagal ko nang hindi nagsusulat. Naisip ko kasi na mas magandang magbasa muna. Akala ko kakayanin ko pa ng ilan pang linggo. Pero hindi na! Magbabasa ako at magsusulat, habang nag-aaral!

Kaya ko 'yan, tiwala lang!

Sunday, July 1, 2012

So Long, Payong

Hindi mahaba ang payong ko.

Pero hindi rin naman ganito kaliit.

Ika-28 ng Hunyo 2012, Huwebes. Nawala ang payong ko. Ay, mali. May kumuha ng payong ko.

Ang sakit.

Ang lakas pa naman ng ulan. Kung kailan ko siya kinailangan, saktong noon pa siya (nawala) kinuha. Kakagamit ko lamang sa kaniya. Ngunit, dahil sa (katangahan ko) mapaglarong tadhana, nakalimutan ko siyang ilagay sa bag ko pagkatapos ng klase ko. Ang napansin ko lamang ay gumaan ang bag ko. Subalit kahit gaanong gaan niya ay tila bumigat naman ang aking pakiramdam.

Akala ko'y wala lang. Matapos ang aking huling klase, isinusuot ko na muli ang aking bag at naghahanda na akong umalis. Ang dilim ng kalangitan. Nagbabadya ang ulan. Ilalabas ko na ang payong ko- nawawala. Wala siya. Naiwan ko sa bahay! Ay hindi, nagamit ko pa siya kanina... nasaan na siya? Ah, sa silid-aralan!

Nagmadali ako sa pagbalik sa silid. May klase pa. Hinintay kong matapos. Kinakabahan ako. Hindi ko alam kung anong iisipin ko - may nakakuha kaya o naroon pa kaya siya?

Natapos ang klase. Pagsilip ko sa silid ay wala na siya. Wala na ang payong ko.

Ang sakit.

Mas masakit pa sa pagtusok ng payong sa leeg mo... ano raw?!


Ngayon, alam ko na. Natuto na ako. Hindi ako matutulad sa dagang lagi na lamang naparurusahan dahil lagi na lamang maling pintuan ang kanyang binubuksan. Hindi ko na iiwan kahit saan ang payong ko, basa man ito o tuyo. Hindi na kami magkakahiwalay.

Pero, teka. Galit na galit naman yata ako. Kung tutuusin, maliit na bagay lamang ang pagkawala ng payong ko, kung ikukumpara sa maraming problema sa mundo katulad ng kahirapan, katiwalaan at krimen. Pero, hanggang ngayon, kahit alam kong maliit lamang ito sa paningin ng iba, para sa akin, galit pa rin ako. Tunay ngang hindi maiiwasan ang pagiging subhetibo ng mga tao.

Sinasabing rasyonal tayong mga tao. Ang pagkaka-intindi ko sa isang taong rasyonal ay siya ay isang taong obhetibo ang pananaw sa kaniyang nalalaman o nararanasan at may kakayahang makahugot ng kabuluhan mula sa mga ito, desisyon man o obserbasyon. Ngunit, kung tunay tayong rasyonal, bakit may nosyon tayo ng pagiging subhetibo? Hindi ba dapat ay hindi natin alam kung ano ang pagiging subhetibo dahil lahat tayo ay obhetibo? Hindi kaya tayong mga tao'y natural na subhetibo, at nabuo lamang natin ang nosyon na pagiging obhetibo para sa mga isyu na hindi naman tayo interesado o direktang naapektuhan?

Teka, teka. Bago ninyo ako i-flame, may dahilan naman ako sa pag-iisip ng ganito. Naisip ko lamang kasi, bakit ba tayo binigyan ng kapasidad na makaramdam ng emosyon? Sa totoo lang, para sa akin, ito ang pinakamalaking balakid sa pagiging obhetibo at rasyonal. Dahil sa emosyon, marami tayong nais na pagtakpan, o kaya nama'y nais makita kahit wala naman. Dahil sa emosyon, kahit minsan ay wala nang saysay o lohika ay naniniwala tayo sa isang bagay. Dahil sa emosyon, nagbabago ang paningin o pananaw natin sa maraming karanasan. Sabihin na nating ang emosyon ay isa sa mga pinakamakapal na lente na ating ginagamit upang makita ang mundo, maging ang ating sarili.

Alam kong imposible (o halos imposible) ang pagtingin sa mundo ng walang lente, ng walang pinanggagalingan. Dahil, kung walang lente, wala rin naman talaga tayong makikita - katulad ng gamit nito sa ating mga mata at camera. Pero, kahit wala ang emosyon bilang isang lente, marami pa namang lenteng matitira sa atin tulad ng ating mga paniniwala at scientific facts.

Kaya nga, napaisip ako, talaga bang ginawa tayong mga tao bilang mga rasyonal na tao? Kung oo, bakit tayo binigyan ng emosyon? Bakit hindi na lamang tayo ginawa (o "nabuo," para sa mga atheists o sa mga naniniwala sa evolution) na walang emosyon? Katulad ng mga robot, ni Spock o ng mga halaman? Baka naman dahil hindi tayo meant to be ng rationality. Baka dapat mas yakapin natin ang emosyon natin.

 Aww.

Sa loob ng panahon na nagpaka-emo ako at nag-isip lang nang bongga sa isang tabi, iyon ang aking na-conclude. Na, marahil, mas natural sa tao maging emosyonal kaysa rasyonal. Kung tutuusin kasi, ang pagiging rasyonal ay maaarin nating iugnay sa pagpupumilit (stubbornness) ng mga tao na hanapin ang kasagutan o kaya nama'y humanap ng rason.

Marahil, kaya tayo binigyan ng emosyon ay dahil ito ang isa sa mga nagtutulak sa atin sa iba't ibang direksiyon. Kumbaga, ang nagpapatakbo ng ating "free will."

Teka, teka. Sa sobrang dami ng sinabi ko at naisip ko, isa lang naman ang may konek sa pagkawala ng payong ko. Ang nag-iisang damdamin na namamayani sa akin ngayon ay galit. Galit na bunga ng sentimentalidad.

Tayo ay mabilis bumuo ng mga ugnayan, isyu man yan o tao o pareho. Para bang kailangan nating pag-ugnayin lahat, kung hindi ay hindi ito makatatayo mag-isa (na siguro ay konektado sa kung paano nabubuo ang neurons sa utak natin - konektado sila, may hierarchy at classifications na tumutulong magpadali ng pagkuha ng impormasyon). Ngunit, kahit sa mga bagay, iniuugnay natin ang ating sarili. Minsan, iiyak pa tayo kapag nawala ito.

Huhu. Hindi bagay 'yung eyeshadow ko.


Grabe, no? Sobrang na-level up na ang mga emosyon natin na puwede na natin siyang i-apply kahit sa mga bagay.

Pero (at siguro mas tamang sabihin na, "at dahil dito"), hindi pa rin ako maka-get over.

Bakit ba kasi kailangang kunin ang payong ko? Payong KO, capital K and O. As in KO, mine, akin. Alam mo 'yung hindi iyo? Iyon 'yung payong ko. Alam mo ba 'yun?!

Teka. Chill.

Cool ka lang.

Kung susubukan kong tingnan objectively, most likely, kinuha niya iyon simply because it's there. May posibilidad, at kinuha niya iyon. Never let an opportunity pass, hindi ba? Na-tempt siya, at hindi niya kinayang umayaw.

Ngunit, kung gagana ang ganoong rason, mauuwi tayo sa "finders, keepers" na drama. Ano tayo, scavengers? Nasa post-apocalyptic world na ba tayo na may zombie outbreak kaya kailangan nang magnakaw, kumuha ng hindi iyo i.e. PAYONG KO? Hindi pa ba sapat ang payong mo?

Sige, sige. Sabihin nating ngayon, ganito naman talaga ang drama. Tingnan na lamang ang ilang jeepney drivers - piso na lang ang sukli, hindi pa ibinigay sa akin. Sinabi ko namang estudyante ako. Sa kabilang banda naman, kapag sobra ang sukli sa 'yo, hindi mo na ibinabalik (kung nagbabalik ka ng sobrang sukli, hello friend! Ang bait mo! Kudos! Pagpapalain ka! Magbunyi, magbunyi!).  O kaya naman, kapag nakakita ka ng bente sa daan, at walang tao, kukunin mo na, kasi, wala namang maghahanap noon. At maliit lang ang halaga.

PERO SA ISIP MO LANG IYON.

Oo, pare. Sa isip mo lang 'yon.

Sige nga, paki-define ng "maliit na halaga." Iba-iba ang depinisyon natin niyan. Para sa akin, ang maliit na halaga ay 25 cents. Kung cheap man ako sa paningin mo, sorry ka. Talagang praktikal lang 'to, p're (o 'te). Lahat pagkatapos noon ay may "malaking" halaga na. Kaya kung may nakita ako sa daan na ganito ay hindi ko na lang pupulutin o kaya'y ibibigay sa pinakamalapit na guard. Seryoso ako.

Paalala lang, ha. Hindi ko ipinipilit sa inyo na gayahin ninyo ako. Mas madali lang kasing magbigay ng mga halimbawa na mula sa sariling karanasan dahil ito ang mga alam kong totoo. Maniwala man kayo o hindi, totoo ito!

Trust me.

Anyway, lahat ng mga dahilang ito ay nasa isip lang natin. Ang totoo lang naman diyan e, gusto mong kunin kaya kinuha mo. Kung ayaw mo naman, hindi ka naman mapipilit e. Kung tae 'yan, hahawakan mo ba? Hindi ka naman mapipilit, hindi ba? Alam kong panget ang analohiyang ginamit pero ang eksaherasyong ito ang, para sa akin, magpapatingkad sa pagkakaiba ng ayaw mo at gusto mo kahit "bawal." Kapag gusto mo pero hindi katanggap-tanggap, laging "Kinuha ko kasi ganito kasi ganiyan." Pero kapag ayaw mo, "Ayoko nga humawak ng tae! Kasi tae siya, ano pa ba?!"

Kung namamayani ang ganitong kaisipan - kung gusto maraming dahilan (at paraan) kung ayaw ay ayaw lang talaga - kaya nga siguro namamayani ang "finders, keepers" mentality.

Pero, tuwang-tuwa naman tayo sa mga balita ng mga taong nagbabalik ng mga bagay na hindi kanila.


HYPOCRITES! (Okay, fine, pati ako natamaan.)

Ganito talaga tayong mga tao. Kapag hindi tayo direktang naapektuhan ay nakapag-iisip pa tayo sa masasabing rasyonal at obhetibong paraan. Ngunit kapag ikaw na, at ikaw na talaga, wala na. Na-flush na sa toilet ang logic. Naiwan sa bahay ang reason. Nalaglag kanina, at nakalimutang pulutin ang objectivity. Biglang puro dahilan at kagustuhan at ayun, na-overpower si konsiyensiya.

Naalala ko tuloy ang isa sa mga aral sa pilosopiya na hindi ko makalilimutan - na ang tao ay dinamiko, at laging gumagalaw patungo sa kaniyang iniisip na magpapabuo sa kaniya. (Ito iyong may Dinamikong X.)

 X nga.

Marahil ito ang nagtutulak sa atin na "magnais" o magkaroon ng pagnanais.

Ngunit, naaalala ko naman ang nalaman ko sa teolohiya, na ang tao ay ginawa sa imahen ng Diyos. Nangangahulugan ito na tayo ay tulad ng Diyos o malapit sa Diyos.

Ninanais nating mabuo. At ang magpapabuo sa atin ay ang Diyos, ang maging malapit sa Diyos. At, kung nais nating mapalapit sa isang ideal na sarili, o sa Diyos, maaring mangahulugan ito na ang lahat ng ninanais natin ay nasa atin na.

Marahil, ang ating tunay na ninanais ay nasa atin na.

At, siguro, kaya tayo nagnanais ay dahil hindi natin maalala ang lahat ng mayroon tayo.

Sa kabilang banda, baka dahil alam nating kulang tayo kaya nagnanais tayo. Ngunit kulang nga ba tayo?

Ang alam ko lang, hindi mabubuo ang isang tao dahil lang sa payong.

Pero, sabihin nating isa kang taong realistiko, nabubuhay sa katotohanan ng ngayon, naniniwalang walang manloloko kung walang magpapaloko. Itatago kita sa pangalang "JU".

 Hi, JU!

Ako: Alam mo ba, naiwan ko ang payong ko.

JU: Baka nasa classroom pa. Nakita mo na?
Ako: Kinuha na siya. Wala na siya. Hay. Walang kuwenta talaga. Ganito na ba kasama ang mundo?

JU: Ang tanga kasi. Bakit mo kasi iniwan 'yung payong mo?
Ako: Sorry na. Ako na nga 'yung nawalan, ako pa may kasalanan? (Isang tipikal na sagot ng mga "biktima")

JU: Rekla-reklamo ka, ikaw naman 'yung nagpabaya.
Ako: Bakit n'ya kasi kinuha? wala ba s'yang payong? Bakit kailangang kunin ang payong ko?

JU: Umuulan di ba? Kaya kailangan niya ng payong.
Ako: Hindi ba kasalanan niya at hindi siya nagdala ng payong? Alam na niyang tag-ulan e.

JU: Eh 'yun na nga. Tapos alam mo namang may mga walang payong ngayon, tapos iniwanan mo pa 'yung iyo roon. Malamang may kukuha n'yan.
Ako: Hindi ko naman alam na kukunin e! At hindi ko rin naman iniwan. Naiwan ko lang! Bakit naman kasi kukunin 'yong payong na 'yon e sira-sira naman na 'yon.

JU: E bakit mo dala?
Ako: Para kahit papaano, may payong.

JU: E di kaya n'ya kinuha - para kahit papaano, may payong.
Ako: E bakit hindi siya nanghiram na lang?

JU: Paano kung wala siyang kakilala?
Ako: Sa mga guards? Mababait naman sila a?

JU: Paano kung shy siya?
Ako: E di sana, ginamit niya 'yung payong ko, pumunta siya ng DSWS at nanghiram ng payong tapos ibigay na sa Lost and Found ang payong ko!

JU: Paano kung nagmamadali siya?
Ako: Hindi naman matagal 'yon ah?!

JU: Paano kung now na talaga?
Ako: Hindi nga matagal 'yon. At kung iisipin, bakit iyong payong ko pa? Marami namang payong sa Rizal Lib., pero talagang payong ko pa 'yung kinuha niya.

JU: Parang pagkain lang 'yan. Isipin mo kung gutom na gutom na siya, maghahanap pa ba siya ng maraming pagkain? Siyempre hindi na. 'Yung malapit na.
Ako: Pero, hindi magho-hold ang analogy mo. Kasi kailangan for survival ang food. Pero ang payong...

JU: Magkakasakit siya.
Ako: Pero hindi agad. At puwede kasi talagang gumamit ng ibang bagay muna pansangga sa ulan. At alam mo 'yung p'wedeng maghintay? Magpatila kaya siya ng ulan?

JU: E nagmamadali na siya e. Hindi na siya makakapag-isip nang maayos.
Ako: E 'yon na nga 'yong problema e. Nabubuhay tayo sa mundong nananatiling opsiyon ang manguha ng hindi iyo, ang magnakaw, kapag nahihirapan na. Bakit ganoon? Kasi nabubulok na tayo.

JU: OA ha. Dahil lang nawala ang payong mo.
Ako: Hindi nawala, kinuha! Di ba? Bakit naisip niya iyong gawin? Bakit? Bakit kailangang kumuha siya ng hindi kaniya kung marami namang ibang paraan para makamit ang kaparehong layunin - ang huwag mabasa. Bakiiiiiit?

At sa pagkakataong ito, nakalimutan na ni JU kung bakit niya ako binubuwisit lalo e nawala na nga payong ko.

Kung si JU ang nabubuhay sa katotohanan ng ngayon, "Ako" naman ang nabubuhay sa ngayon at ninanais baguhin ang baluktot na katotohanang bumabalot sa atin ngayon. Kaya kahit buwisit ako, hindi ako kukuha ng payong ng iba. Kahit bonggang lakas ng ulan, manghihiram na lang ako o magpapatila ng ulan. Pero hindi ako mangunguha ng payong na hindi naman akin.

Kaya, para sa akin, sa labanang JU vs. "Ako," mananalo ako. Ako na biased. Stress!


Hay, ganito na ba kabulok ang mundo? So prove me wrong! Ibalik mo na ang payong ko, litsugas ka! Walang magandang maitutulong sa iyo ang luma, sira-sira, ngunit para sa akin ay walang katulad, na payong ko. Please?

Mas maganda sigurong pamagat ng entri na ito ay: So long (ng entri ko dahil sa nanguha ng) payong (ko).

Naisip ko rin naman ang "Payong Kapatid" ngunit, kahit pa ang gusto kong magbigay ng payo ay hindi ko na muling "ibibigay" ang payong ko sa 'yo, kapatid!

Huling paalala: Wag manguha ng payong ng iba dahil sa bawat pagkuha mo, may isang blog entri na puno ng muhi na ginagawa para sa 'yo. Humanda ka sa 'kin pag nakita kita hindi kita... tatantanan!

Tantantanan.

Ito ka. Litsugas ka.


dont make a scene, “umbrella” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/maryciccolella/7479282836/ (accessed July 1, 2012).

Eva Rinaldi Celebrity and Live Music Photographer, “Ice Cube” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/evarinaldiphotography/7080211309/ (accessed July 1, 2012).

Misconception Photography, “Hug Me” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/alyzam6/5261459057/ (accessed July 1, 2012).

pushkinova, “stabbed by an umbrella” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/lamashtu/305434477/ (accessed July 1, 2012).

Raymond Larose, “.: x :.” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/lenscrack/6255363644/ (accessed July 1, 2012).

Stiefnu, “Ice Cube” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/xtiefnu/168331634/ (accessed July 1, 2012).

::: *TearS* :::, “Tear!” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/almaha/8512554/ (accessed July 1, 2012).

whologwhy, “LETTUCE” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/hulagway/5956351688/ (accessed July 1, 2012).

*Naka-censor ang mukha ni JU dahil nakakatakot 'yung picture nirerespeto ko ang kaniyang privacy. Hindi ko isasama sa listahan ng sanggunian ang pinagkuhaan ng larawan (ako ang naglagay ng smiley) ngunit ito ay ginawa ng may pagpapaalam (hindi nangangahulugang pinayagan. Pinayagan ako!)

Sunday, June 24, 2012

Amin na 'Pag Anim

"Amin na 'Pag Anim" ang pamagat ng entri na ito. Sir, kung kayo po ang nagbabasa nito ngayon, hindi po ako nang-aasar. Natuwa lang po talaga ako sa inyong "anim na pag-amin." Promise.

Mapagkakatiwalaan naman ang ganitong mukha,

 hindi ba? Mali! Hindi 'yan!
Heto pala. Hindi ba? Shocks! Hindi 'yan! Hindi ko kilala 'yan! 
Pumunta ng UP para lang mag-pose ng ganiyan... Sino ba 'yan?!

  (Heto na talaga) ...hindi ba? Napaka-inosente. At sinadya kong hindi tanggalin ang Nov. 07 (Paano pa ba lalong bibigyan ng emphasis 'to) dahil, ehem, ehem, malapit-lapit na (Oo, malapit na. Walang hihindi). Baka lang naman gusto ninyong magbigay ng regalo pagbati?

(Kung nais ninyo - mga sanang nag-e-exist na mambabasang hindi si sir at hindi rin mga kaklase ko - na malaman kung ano itong "anim na pag-amin," basahin ang susunod na isyu ng web journal na hal.! O kaya naman pumunta kang Ateneo. Dapat talaga ang kinuha kong kurso ay Advertising e. Haha!)

Sa sobrang tuwa ko, ninais kong makagawa rin ng isang matalinong diskusyon gamit ang isang paglalaro sa isa o mga salita bilang sentro. Pero... ang hirap! Ang mga sumusunod ay ang aking mga nagawa (copy-paste mula sa Notepad ang mga naka-italicize):

Pitong pito
Puwede na, pero... ano 'to, Math? Pitong pito ay apatnapu't siyam. Multiplication table ang drama? O kaya maghahanap ako ng pitong klase ng pito? ...Plastic, bakal, kahoy (mayroon ba?!), alloy, tela (?!), tao (hindi 'yung tao mismo. 'Yung bibig at lalamunan at lahat ng kailangan para "pumito") at dahon!

...Hindi ako natutuwa. (Paumanhin, mga whistle enthusiast, kung mayroon man!)

Isang asin
Seryoso. Isang asin. Isa lang. Isa lang talaga. Walang tawad. Hay.

O, suki! Bili na! Isa lang ha! Dahil suki kita, kunin mo na 'yung malaki sa may kanan! Para sa 'yo lang 'yun suki!

Tatlong talong 
Bumili ng tatlong talong tsaka tortahin! Puwede na ako gumawa ng entri tungkol sa pagluluto... pero wala akong talento doon.


Walong talong
...Paumanhin. Ako na mahilig sa talong.

Apat na tapa
Apat na pata
Halata na bang gutom ako noong ginawa ko ito?

Tatlong footlong
Kung hindi pa halata kanina, ngayon, hindi maikakailang oo!

Siyam na kikiam (ng katotohanan)
Hindi ako nagbibiro kung sasabihin kong ito dapat ang pamagat ng entri ngayon. Pero hindi ko talaga makayang maging seryoso kapag kikiam ang pinag-uusapan... nagugutom lang ako. Pero ang sarap isipin na kinakagat, nilalasap mo ang kikiam, lalo na kapag malutong ang mga dulo nito...


Nakakagutom.

Anim na mani (ng katotohanan)
Gutom. na. ako.

Alam kong kanina pa kayo nakakita ng (ng katotohanan) pero sobrang nakakatuwang maglagay nito. Para bang nagkaroon ng superpowers ang mani at kikiam. 'Yung tipong naririnig mo sa anime kapag sasabihin nila ang pangalan ng supermove nila.

Oo, Zenki at ang "Dakilang Bajulaaaaaaaa!" ni Chiaki ang pinaparinggan ko.


Limang mali
Maganda sana ito, kaso hindi mawala sa isip ko na sana mas maganda ang paglalaro sa salita kung sa halip ay limang maling, ngunit... pagkain na naman ito.

 
O limang pares ng mga larawan na may limang pagkakaiba tulad nito. Ngunit wala akong talento sa arts, at photoshop. At nakakasakit sa ulo kapag may hindi ka mahanap na isa!

Sa hinaba-haba ng intro ko, ang gusto ko lamang sabihin ay mahirap "maglaro" ng mga salita. Ngunit, kapag pinilit mo, may mahahanap ka rin. At iyon na nga ang nahanap ko: Amin na 'Pag Anim.

Pagkaisip ko nito, naisip ko agad, NBA. Betting. Amin na (ang pera/pagkain/buhay mo) kapag anim (ang lamang ng/sa kalaban). Sa totoo lang, malaking bahagi ng buhay natin ay sugal. Sinasabi pa nga na ang buhay ay isang sugal, dahil hindi mo alam kung mabubuhay ka sa susunod na segundo. Para bang ang lahat ng iyong nagawa ang iyong tinatayaan habang ang pagkakataon sa bukas at hinaharap ang nakatay.

Ngunit, kung iiwanan natin sandali ang pilosopikal na "sugal," marami sa atin ang talagang nagsusugal. Kanina pa lang, ang haba na ng pila sa tayaan ng lotto. Paano pa kaya kung iyon ang tinatawag nilang mega-jackpot? Kapag may patay, siguradong may saklaan. Sa ilegal na banda naman, talamak pa rin ang jueteng, lalo na sa mga probinsiya. Kahit saan, may sugalan.

Kahit saan nga. Kung nagkataon siguro na hindi basa sa CR, doon sila magsusugal e.


Kaya nga, amin na 'pag anim. Nagsusugal ang mga tao dahil kulang ng excitement sa buhay nila at/o sobrang yaman o sobrang hirap nila. Kapag mayaman, hindi na nila alam kung saan ilalagay ang pera nila na higit na mapapansin sa mga nanggaling sa hirap - sinasabing ito'y dahil hindi nila kayang i-badyet ang perang hindi naman sila sanay na hawakan. Hindi malayong maging mahirap muli. Kapag mahirap, iniisip nilang wala na silang pag-asa kung magpapatuloy lang sila sa pagsusumikap kaya go, go, go sila sa one time, big time. Ngunit hindi naman nananatiling one time - nagiging many times - habang hindi nakakamit ang big time - no time at all. Nakakalungkot isipin na maraming nalululon sa sugal dahil nasobrahan na sila sa utang at hindi na sila makaalis mula sa lubak ng kahirapan na sila mismo ang naghanap at naghukay.

Ang mga katagang "amin na" ay maaaring maging sumpa o biyaya sa isang sugarol, depende kung siya ang sinasabihan o siya ang nagsasabi. Ngunit, mas ninanais kong ang "amin na" ay maging isang "gamot" sa mga sugarol - "amin na," aminin mo na. Amining ang sugal ay isang bisyo. Amining nalululon ka sa isang bisyo, sa sugal. Amining kailangan mo ng tulong dahil nalulon ka na sa pagsusugal. Dahil ang pag-amin, gaano man kasakit o kapait tulad ng gamot, ay ang unang hakbang sa paggaling.

...Huwag na lang pala. Joke. Kaya ko 'yan! (Sana.)

Kaya naman, sinubukan kong gumawa ng tula!

At sa Uulitin

 Salamin, salamin,
 Bakit di sabihin
 Na 'ko'y sus'wertehin?

 Aking pipiliin
 'Tong malapit sa 'kin.
 Sana'y di biguin.

 ...Di kayang tawirin
 Ang layo ng bitwin.
 Bumagsak. Kay tulin.

 Sumigaw ang hangin
 Habang nakatingin
 Sa lalim ng bangin.

 Walang nakapansin.
 At kahit pilitin
 Paglipad ay bitin.

 Alin? Alin? Alin?
 S'ya'ng sigaw ng hangin.
 Kung hindi'y sa akin.




 Hindi pilit ang rhyming at ang mensahe ng tula. Magtiwala kayo sa mukhang 'to.
At kamay ni Ironman 'yan!

Ilang mahahabang komento at sariling puna sa piling bahagi ng naisulat na tula:

*Ang pamagat ay "At sa Uulitin" dahil ang mga sugarol ay sinungaling - kahit sabihin nilang "Last na 'to!" lagi't laging magkakaroon ng susunod na pagkakataon.

*Ang unang linya ay nariyan dahil napanood ko ang Snow White and the Huntsman at ninais kong manalo ang reyna (na siyang bumibigkas ng mga kataga) dahil ang gumanap sa kanya ay si Charlize Theron na sobrang hot galing na actress hot! (Hindi mawala sa isip ko ang milk bath scene) Ngunit, hindi lamang si Charlize (at ang bonggang hotness niya) ang dahilan sa paggamit nito. Hindi maikakaila na ang reyna, na ang step-mother ni Snow White, ay isa sa mga pinakakilalang pagsasatao sa ganid (personification of greed) at kasamaan. At ang salamin ay isang mahalagang punto dahil: Una, ito ay all-knowing. Nangangahulugan lamang na alam nito na walang pag-asa sa sugal; Ikalawa, ito ay isang bagay na ngayo'y kinakausap ng persona. Pansinin na ito lamang ang naka-interact niya. Halos isara na niya ang sarili sa pakikipag-ugnayan sa tao.

*Natutuwa ako sa "Na 'ko'y sus'" dahil ito'y maaaring basahin bilang "Nako, sus!" - isang pagsasawalang-bahala at pagkapagod sa paulit-ulit na "pagtakas" ng suwerte at ng pag-intindi ng mga mahal sa buhay, sa bisyo ng persona.

*Ang "..." (elipsis) para sa akin ay katahimikan, at maraming maaring mahugot mula sa katahimikan. Ngunit, sa pagkakagamit sa tula, ang elipsis na ito ay nais kong basahin bilang paghihintay, at ang pagkabigo. 

Sa aking opinyon, ang bawat pangyayari sa mundo ay may "ngunit." Laging may ibang paraan sa pagtingin sa isang bagay, tao o pangyayari na taliwas sa mga napahayag na. Isa na rito ang paghihintay. Sa paghihintay, hindi mo alam kung ang hinihintay ba ay darating o hindi. Laging may posibilidad ng pagkadismaya, na halos laging kaugnay ng katahimikan. Sino nga ba ang  magiging masaya kung hindi na nga dumating ang hinihiling, binigay pa sa kaniya ang kabaliktaran ng nais? Kaya, nais kong mabasa ang "..." bilang paghihintay at pagkabigo, at para na rin sumakto ng anim na patinig ang linya (na siyang tunay na dahilan. Joke).

*Ang una kong naisulat sa buong tula na ito ay "Sumigaw ang hangin." Marahil ito'y gasgas na, ngunit talagang natuwa ako nang maisip ko ito. Paano sisigaw ang hangin? Woosh? Hindi natin nakikita ang hangin. Para siyang "wala lang." Pero alam mong nandiyan siya, kasi nararamdaman at naririnig mo siya sa bawat paggalaw. Ang gusto ko sanang sabihin ay "Wala naman yatang sumigaw, pero parang mayroon." 'Yung tipong kapag nakasakay ka na ng rollercoaster at hindi mo napapansin na sumisigaw ka na dahil gusto mo na lang bumaba (...o ako lang ba 'yon)? At ang hangin ay natural - sa pagpapakahulugang ito, maari nating sabihin na sumisigaw ang hangin dahil wala sa natural order ang ganitong mga gawain. Oo nga naman. Bakit hindi ka na lang magtrabaho para sa pera, at sumakay ng rides para sa excitement pagkabigay ng sahod?


*"Alin? Alin? Alin?" ay sakto dahil para sa akin, mayroon akong tatlong laging tinatanong sa sarili kapag natatalo ako: Una, alin/sino/ano ang nanalo?; Ikalawa, alin/ano ang dapat kong ginawa?; Ikatlo, alin/ano na ang gagawin ko? Para sa mga nagsusugal, mas desperado silang malaman sa mga sagot sa mga ito dahil nakataya ang pera nila rito. Maaring makita ako bilang isang materialistic na tao, ngunit hindi maikakaila na malaking bahagdan ng survival ng tao sa mundo ngayon ang nakasalalay sa kung anong halaga mo, na halos laging quantifiable gamit ang currency o pera. Lahat ng kailangan ay mabibili basta may pera. Kaya masasabi na rin na kung walang pera, mahihirapan kang manatiling buhay.

*Ang pamagat ay may anim rin na pantig. Animan ang tula na may anim na saknong rin. Iyon lamang ang koneksiyon sa "anim" ng tula. Haha!

Sinadya kong ilagay ang mga panget na litrato kong ng kung sino man siyang may... hindi katiwa-tiwalang mukha para matawa kayo. Alam kong natatawa na kayo ngayon kaya kunwari na lang sinadya ko. Joke.  

Shocks, nakakahiya! 


...Paalam na!







Glow Images, “Find the Differences -Turkey Day,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/glowimages/5190086072/ (accessed June 24, 2012).

HatredMegaman. "Zenki, Ang Tagapagtanggol Tagalog Part 6 [HD]." YouTube. Online video clip, http://www.youtube.com/watch?v=PLx6szJoB0Y&feature=relmfu (accessed 24 June 2012).

Iftekhar Rashid, “Salt Cultivation,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/49483120@N07/4595962588/ (accessed June 24, 2012).

KT of Lake Orion, “Medicine,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/97867906@N00/4772117172/ (accessed June 24, 2012).

LoraxV, “Gambling,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/frekur/430707038/ (accessed June 24, 2012).

Marrion Alvarez, “Kikiam,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/marrionalvarez/5414747509/ (accessed June 24, 2012).

(Kapag naman po sariling larawan ang ginamit, hindi na kailangang i-cite, hindi ba?)

Sunday, June 17, 2012

A4 ka nang 4, hindi naman sakto sa baso




 4. Pour. Ako na corny.

Sa lahat ng maaari kong mapansin sa syllabus, ang papel pa mismo ang napagdiskitahan ko. Kasi naman, buong buhay ko, lagi na lang short bond paper ang pinapagamit (maliban na lamang kapag art - sa oslo 'yon, hindi ba?). Tapos, bigla na lamang magbabago. Panahon na ng A4.


 Hindi itong A4 na ito. Pero mas maganda sana kung ito.


 Ito! Pero mas gusto ko 'yung Audi A4.

Kakaiba ang A4, lalo na sa paningin ng isang taong halos hindi pa ito nagagamit sa buong buhay niya, katulad ko. Para bang ginupit ang mahabang gilid ng short bond paper at idinikit sa maiksing gilid nito. Sa makatuwid, slightly taller and sexier version ng short bond paper ang A4.

Mula short bond paper, naging A4.

Pero bakit ba kailangang mag-A4? Marahil ito ang tanong ng mga Atenista. Ano ba ang mayroon ang A4 na wala sa short bond paper, at sa iba pang papel na ito ang napili bilang standard ng unibersidad? Ano ang pinagkaiba nilang lahat, maliban sa sukat ng mga ito? Hindi ba puwedeng, sabihin nating, long bond paper ang gamitin, dahil mas malaki ito at mas maraming mailalagay! Isipin mo kung ang takdang-aralin  mo ay sampung pahina na papel tungkol sa basurahan. Hindi double-spaced, at ang font ay Calibri, size 9.

Pamagat: Ang Epiko ng Basurahan. Ikaw na ang Homer ng ika-21 siglo.

Maliban sa katamaran, ano pa kaya ang dahilan kung bakit hindi long bond paper ang napili, at A4 ang the one? Kung katamaran lang naman ang basehan, bakit hindi post-it na lang? Madikit pa! Kumbaga, bakit ang A4 ang Neo sa matrix ng mga papel?

Kung sana ganito rin ang itsura ng A4. Game.

Marahil mas magandang magsimula sa pagkilala sa A4. Ano nga ba ang A4? Saan ito nagsimula, at sino ang napakagaling na nag-imbento ng sukat ng A4? Pero, ang boring naman kung ganoon. Kaya kilalanin natin ang A4 sa pamamagitan ng mga knock, knock jokes! Kahit na wala naman talaga silang kinalaman sa pinanggalingan ng A4.

BABALA: Ang mga sumusunod na biro ay kasing-corny ng pamagat ng blog na ito. Ito ay Rated PG ng pseudo-quasi-faux-MTRCB (alam ko pong hindi ito salita) sa sobrang corny.

A: Knock, knock.
B: Who's there?
A: A4!
B: A4 who?


A: That you're the only one for me. A4, repeat steps one through three. (Back at One ni Brian McKnight)
 Ikaw na ang magaling. Ikaw na. <3


...paumanhin. Alam kong pilit. Subalit, may apat pa akong back-up A4 knock, knock jokes na mangto-torture magpapatawa sa inyo!


(Back-up 1) A: Three words, A4 you! (1234 ng Plain White T's)

Ang pange- Sabihin na lamang nating kakaiba ang music video na ito.

Alam kong hindi kayo natawa. Ako rin e. Susunod!


(Back-up 2) A: A, A, A, A, me plus you... (One Time ni Justin Bieber)

HAHAHAHA. Hindi ko nakayang lumampas ng isang minuto sa video na ito.

Siguro naman, kahit hindi kayo natawa sa joke ko, natawa kayo sa video. O baka sumakit lamang ang ulo ninyo. Paumanhin.


(Back-up 3) A: A4! Sean Kingston... (Beautiful Girls ni Sean Kingston)

 Ang pogi ni Sean Kingston. Seryoso.

 Uy, nakakatawa na 'to ha! Hindi na gaano kahalatang pilit. Haha. Heto ang huli!

(Back-up 4) A: Soft kitty, warm kitty, little ball A4. (Soft Kitty... sa The Big Bang Theory)

Pagsasalin: Malambot na pusa, mainit na pusa, maliit na bilog ng balahibo.

Matagal kong pinag-isipan 'yan ha!

Kung akala ninyong walang kaugnayan ang mga knock, knock jokes ko sa A4, parehas tayo. Joke. Sa totoo lang, mahirap makita ang koneksyon, ngunit mayroon talaga. Promise. Swear. Kapag nakita ninyo, hindi kayo makakapaniwa- Teka. Tama na nga ang pagpapatumpik-tumpik. Nagmumukhang pinapaniwala ko na lamang ang sarili kong may koneksyon talaga e. Na totoo naman.

Nabasa ko dati na ang A4 ang standard paper ng ibang bansa (hindi kasama ang Amerika). Dahil daw ito sa napakagandang ratio ng A4. Bata pa ako noong binasa ko ito kaya hindi ko naintindihan kung anong kinalaman ng ratio sa papel. Ngunit tama naman ang naaalala ko, ayon sa Wikipedia. Kalahatiin mo man ang A4, hindi nagbabago ang ratio nito, kaya madali itong gamitin, lalo na sa mga copier machine. Kaya, bukod sa ito ang standard ng halos lahat ng bansa, may praktikal na dahilan din naman ang paggamit dito.

Pero bakit ba tila takot na takot tayo sa pagbabago? O, sa kasong ito, bakit ba gulat na gulat at buwisit ako sa pagbabago ng standard ng papel sa Ateneo? Papel pa lamang ito. Paano pa kaya kung mas malaking bagay pa ang nagbago? Sa mga maliliit na bagay na ito nasasalamin ang ugali nating mga Filipino. Ang dahilan sa aking pagkagulat at kakaunting pagkadismaya sa pagbabagong ito ay maaring dahilan din ng pananatiling sarado ng isipan ng ating mga pinuno sa isyu ng divorce, same-sex marriage at premarital sex.

Dahil ito ay nakasanayan na.

Tama bang dahilan ito sa pagpigil sa pagbabago?

Ano ang mangyayari sa atin kung hindi tayo magbabago? Lalo na kung mayroon namang magagandang dahilan ang kabilang panig, ang "bago," ang taliwas sa nakasanayan?

Hindi tayo makakausad. Dahil hindi tayo makawala sa nakasanayan, hindi natin magawang sumulong. Hindi naman sa sinasabi kong dapat iwanan ang nakasanayan, ngunit dapat manatili tayong obhetibo at huwag hayaang ang "paglingon" sa nakaraan ay maging full-time. Huwag tayong magbabad sa nakaraan. Nabubuhay man tayo dahil sa nakaraan, nabubuhay tayo sa ngayon, at para sa kinabukasan. Mas cool sigurong sabihin sa Ingles: We may live because of the past, but we are living in the present, and for the future. 

Kung magpupumilit akong gumamit ng short bond paper kahit A4 ang kailangan, siguro matatawa o mabubuwisit ka lamang sa akin. Ngunit kung mas malalaking isyu na ito, kunwari, kakain ako ng tao kasi Mayan ako noong past life ko at sanay ako doon. Kaya kakainin kita. Siguro naman hindi ka na matatawa, lalo na pag tinali na kita sa mesa at sinumulan ko na ang ritwal. Lalo na kapag kinakain na kita. Ibig sabihin, ang pagsunod sa mga nakatakda, standards man o etiquette, lalo na ang batas, ay kailangan.

Paano kung hipster ka, o rebel ka, dahil cool 'yun?

...bahala ka. HAHA.

Pero siguro, alam mo naman sa sarili mong hindi magandang dahilan iyon, hindi ba? Egocentrism iyan, pare (at mare! Baka sabihing sexist ako e). Hindi umiikot sa iyo ang mundo. Hindi puwedeng kung ano ang gusto mo, iyon ang puwede, at kung ano ang ayaw mo, iyon ay hindi puwede. Hindi lang po ikaw ang tao rito. At hindi lamang ang opinyon mo ang mahalaga. Democratic country po tayo, kuya (at ate!). At kahit hindi, respeto na lamang po. Lahat tayo ay may karapatang magsalita at mapakinggan, hindi lamang ang iyong sarili, okay? Try mo gumawa ng time machine at doon ka sa panahon ng monarchies o dynasties. Good luck na nga lang sa 'yo, kasi kahit makapunta ka doon, hindi naman ikaw ang namumuno doon.

Sa makatuwid, dahil sa A4, napaisip ako sa kahalagahan ng pagsunod at sa pagkakulong nating mga Filipino sa mga nakasanayan.

Maraming salamat, A4.

At dahil diyan, use A4 in a sentence!

Sentence 1:
A: Uy, may bagong labas na iPhone ah!
B: Hay. Hindi naman ako makakabili niyan.
A: Bakit naman?
B: A4 lang ako eh.

Sentence 2:
A: Ang galing naman ni Jessica Sanchez! Sobrang talented niya!
B: Hindi lang naman talent ang kailangan para maging successful, pare (o mare).
A: Ano pa? Looks, connections, suwerte?
B: A4t pa pare (o mare), kailangan ng maraming A4t.


Sentence 3:
Ang buong seksyon B ay bibigyan ni G. Samar ng A4 Fil14. Sana.

HAHA. Joke lang po.

At dahil natuwa ako sa A4, heto ang kantang Harana ng Parokya ni Edgar. Pinalitan ko ang lyrics para sa A4. Ipagpaumanhin sana ito ng Parokya ni Edgar. Hindi ko naman sinasadyang sirain ang kanta...

 Aww.

Uso na ba'ng A4 paper?
Marahil ikaw ay nagtataka.
Ano ba 'tong mukhang gagong
Pinapayat na short bond paper?
Pinahaba lamang ng kaunti.

Meron naman d'yang ibang sukat.
Bakit hindi na lang index card?
'To'y maiksi lang di katulad
Ng legal size o ng letter size.
'Yun nga lang mas maayos ang A4 sa copier.

(Chorus)
Puno'ng mundo ng kung ano-
Anong sukat, uri ng papel.
Sa 'yong tingin, ano ang dapat gamitin?
Anong ipapampili mo,
Katamaran o iyong
Nakasanayan kesa iyong dapat?
So in short, mag-A4 paper... tayong lahat.

*Hindi po ako nakainom habang ginagawa ko ito. Hindi rin po ako naka-drugs. Talagang... ganito lamang po ako. Paumanhin.




Last na, dahil umuulan! Use H4 in a sentence! (H4 naman para maiba)
Huwag mong kalimutan ang iyong payong! H4-ing outside.

...paumanhin. Paalam!










Adele Claire, “A4 Copier Paper,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/adeleclaire/6797397805/ (accessed June 17, 2012).

Anathemata, “Writing,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/anathemata/36017856/ (accessed June 17, 2012).

exfordy, “Audi Quattro A4,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/exfordy/2674348013/ (accessed June 17, 2012).

hayley199607. "Justin Bieber- One Time Official Video Slowed Down." YouTube. Online video clip, http://www.youtube.com/watch?v=9D74Ye_Var0 (accessed 17 June 2012).

islandbuoy22. "Brian McKnight - Back At One alternate arrangement." YouTube. Online video clip,
http://www.youtube.com/watch?v=xZQOUdHrD7o(accessed 17 June 2012).

jackiebese, “Before and after weight loss surgery,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/jackiebese/5182903344/ (accessed June 17, 2012).

OPMmusics. "Parokya Ni Edgar - Harana (official music video)." YouTube. Online video clip, http://www.youtube.com/watch?v=RrNZqBu7q78 (accessed 17 June 2012).

seankingstonVEVO. "Sean Kingston - Beautiful Girls." YouTube. Online video clip, http://www.youtube.com/watch?v=MrTz5xjmso4 (accessed 17 June 2012).

Sergio Romiti, “Pouring Water 1,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/sergioromiti/6946415813/ (accessed June 17, 2012).

sithuseo, "Keanu Reeves Wallpaper,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/46808649@N07/4875064883/ (accessed June 17, 2012).

thebigbangtheory. "The Big Bang Theory - Soft Kitty." YouTube. Online video clip, http://www.youtube.com/watch?v=sIp77PUvLTE (accessed 17 June 2012).

Tuesday, February 7, 2012

Nagbabalatkayong Ako

Ang lahat ng tao ay may mga lihim. Minsan, maging ang ating mga layunin at ang ugali ay ating itinatago sa harap ng iba. Isa sa mga dahilan nito, para sa akin, ay takot tayong masaktan. Ngunit mas takot tayong makasakit ng iba at kamuhian nila dahil dito. Dahil sa takot na ito, nagkakaroon ng pagtatalo sa ating mga nais - ayaw nating masaktan at makasakit ngunit gusto pa rin natin ng isang makakasama. Ang nakikita nating solusyon ay ang magtago at magbalatkayo.

Ito ay higit na nakikita sa mga drama sa telebisyon at sa pelikula. Magkakaroon ng pagkakataon na ang bida ay makakaharap ang kontrabida at may hostage o blackmail na hawak ang kontrabida. Dahil dito, nanaisin ng bida na lumayo na lamang ang kanyang mga mahal sa buhay (kung hindi man ito ang utos ng kontrabida) ngunit sa loob niya'y naghahanap siya ng mapagsasabihan, isang kaibigan na maaaring tumulong. Muli, sa kabilang banda, Ayaw na ayaw niyang masaktan ang kanyang mga mahal sa buhay kaya magsasakripisyo siya at magbabalatkayo na walang nangyayaring masama o kaya nama'y biglang mag-iiba ang kanyang ugali. At ito nga ang nangyari sa tula - sinusubukang magpakatatag ng persona ngunit makikita pa rin, matapos balatan ang kanyang mga pahayag, na nahihirapan siya.


Balatan

Gagawin ko ang lahat ng aking nais
Kahit sa oras na masaktan nang labis.
Ayos lang kahit sino, lalo ang iba,
Siya o ikaw, ang sarili, kahit kapwa.
Ang hadlang ay kamumuhian kong lubos.
Ikaw ma'y di mapapatawad. Sa unos,
Sarili lamang ang nais kong sagipin.
Ang ayaw ko lang ay manga alagain,
Ang manga kaibigan na sinasabi.
Paalam lamang ang binigkas ng labi.


Tanggalin natin ang "balat" ng tula. Tanggalin ang una at huling linya, pati ang una at huling dalawang salita sa bawat linya. Ito ang kalalabasan:

Gagawin ko ang lahat ng aking nais
Kahit sa oras na masaktan nang labis.
Ayos lang kahit sino, lalo ang iba,
Siya o ikaw, ang sarili, kahit kapwa.
Ang hadlang ay kamumuhian kong lubos.
Ikaw ma'y di mapapatawad. Sa unos,
Sarili lamang ang nais kong sagipin.
Ang ayaw ko lang ay manga alagain,
Ang manga kaibigan na sinasabi.
Paalam lamang ang binigkas ng labi.

Oras na masaktan kahit sino, lalo ikaw, ang sarili ay kamumuhian, di mapapatawad. Ang nais ko lang ay kaibigan.



Mahirap umarteng malakas kung ika'y hinang-hina na. Ngunit, bilang mga taong marunong magmahal at lubhang natatakot masaktan at makasakit ay ginagawa pa rin natin ito. Para sa akin ay hindi ito maiiwasan at hindi dapat iwasan kung nasa lugar naman. Gayumpaman, nawa'y makahanap tayong lahat ng kahit isang makakasama, isang kaibigan, na maaari tayong maging bukas. Mahirap magtiwala, subalit kay sarap at kay gaan sa pakiramdam kapag nasusuklian ito. Ang mas magandang solusyon ay tiwala, sa halip na pagbabalatkayo. Kung ang pundasyon ng relasyon ay tiwala, siguradong ito'y magtatagal.

Monday, February 6, 2012

Beep, Beep!

Kakaibang tunay ang mga Aymara. Ang "nakaraan" para sa kanila ay nasa harapan. Ang "hinaharap" naman ay nasa likuran. Kung tutuusin, mas may kabuluhan ang kanilang pagpapakahulugan sa panahon. Maraming magandang argumento ang kaisipang ito ng mga Aymara. Una, nasa harapan ang nakaraan dahil madali itong "makita" at lagi na itong nasa ating isipan. Ikalawa, nasa likuran ang hinaharap dahil hindi ito abot-tanaw. Tama naman, hindi ba? Ngunit, para sa akin, tama lamang na ang nakaraan ay "nakaraan" at ang hinaharap ay "hinaharap." Bakit? Dahil sa dyip.


(O sa kahit anong sasakyan, sa totoo lang.)

Kapag sinasabing hinaharap, o nakaraan, ang unang larawan na pumapasok sa ating isip kaugnay ng posisyon ng tao sa panahon ay isang nakatayo o naglalakad na tao. Ngunit paano kung nakasakay siya sa isang sasakyan? Unti-unti nang malulutas ang problema ng "nakaraang" kung tutuusi'y dapat hindi nakikita at "hinaharap" dapat nama'y kitang-kita. At dahil tayo'y mga Pilipino, mas nakatutuwang isipin kung ang sasakyan ay dyip, at tayo'y nasa isang dyip. Ngunit hindi tayo mga pasahero ngayon. Tayo ang tsuper.

Dati.


Ang nakaraan ay literal na ating nadaanan. Hindi katulad kapag taong nakatayo lamang ang larawan sa isip, maaari nang makita ang nakaraan sa pamamagitan ng salamin sa harapan at gilid ng drayber. Ngunit maliliit na salamin lamang ang mga ito kaya't pili lamang ang nakikita. Nararapat lang na maliliit ito dahil kakaunti lamang ang ating naaalala. Marami naman talaga tayong hindi maalala sa ating nakaraan. Dati. Maaari nating sabihin na ang mga "pasahero" sa ating "dyip" ang iilang alaala na napili nating matandaan nang lubos, malay man tayo o hindi sa pagpiling ito. At ang kakarampot na ilaw mula sa "pintuan" ng jeep ay iyong mga alaalang ating naiwan na. Ito rin ang nasasalamin ng mga "side mirror." Nagsisilbing paalala ang mga "side mirror" para sa mga sasakyan para hindi makaskas o tumama sa gilid ang sasakyan. Ganito rin naman ang silbi ng ating mga alaala. Dati. Masasabing ang "pamasahe" ng mga "pasaherong" ito ay ang mga aral na nakuha natin mula sa mga karanasan sa nakaraan, na tunay nga naman nagpapayaman sa atin.

Ang hinaharap naman ay ang nasa harap natin. Hawak natin ang manibela kaya tayo ang nagpapasya kung saan tayo tutungo. Ngunit, hindi natin nakikita ang buong hinaharap natin. Katulad sa dyip, hindi mo nakikita ang buong harap dahil nahaharangan ka ng isang salamin, isang lente kung saan ating nakikita ang daan, ang mundo. Marami pa nga minsang nakaharang sa salaming ito, katulad na lamang ng mga papel at karton na nagpapakita kung saan tayo papunta, mga sticker, permit, kung ano-anong burloloy, atbp. Dati. Sa buhay natin, ito ang mga ideolohiyang bumabara sa ating nakikita. Gayumpaman, mayroon naman tayong kakaunting "foresight" o "hula" sa kung anumang mangyayari sa atin kaya't mayroon pa rin tayong nakikita. Kahit ang ating mga pangitain ay hindi laging tama dahil sa mga natataong kaganapan, ganoon rin naman kung tayo'y nasa dyip - minsan nililinglang tayo ng ating mga mata. Ang mga akala nating "two-way streets" ay "one-way" pala, at bawal pala ang "u-turn." Kaya sakto lamang ang dyip kung ilalarawan ang panahon.

Ngunit saan tayo patungo? Katulad sa dyip, alam natin kung ano ang nais nating marating - tagumpay at kaligayahan. Ngunit hindi natin alam kung paano tayo tutungo roon. Maraming daan papunta at maaaring minsan masiraan pa tayo ng sasakyan. Ngunit mayroon namang mga gasolinahan, mekaniko at ang ating sariling mga kagamitan para tulungan tayong ayusin ang mga ito. Para sa akin, ang mga gasolinahan ay ang mga pinagkukuhaan natin ng inspirasyon, ang mga mekaniko ang mga libro at ang sarili nating kagamitan ang ating kaalaman at kakayahan. Sa tulong ng mga ito, nakakaya nating magpatuloy sa ating biyahe.

Dati.

Minsan nama'y may mga nababali tayong batas-trapiko. Sa tingin ko'y ito ang mga pagkakataong nasisira natin ang ating sariling mga paninindigan (sa tingin ko'y mas nararapat ang salitang paninindigan kaysa moralidad sapagkat ang moralidad ay higit na nakaugnay sa relihiyon o sa kung anuman ang tinatanggap ng lipunan. Ngunit hindi naman lahat ay may relihiyon at hindi lahat ng itinuturo ng relihiyon ay ating sinusunod, masakit at mahirap mang aminin. Hindi rin lahat ay sumusunod sa dinidikta ng lipunan. Mas magandang gawing pamantayan ang sarili).

Ngunit patuloy lang ang biyahe. Maaari tayong bumusina, tumigil, atbp. Nasa atin ang manibela. Tayo ay gumagalaw, naglalakbay. Mas masayang isipin na hindi lamang tayo nakatayo o naglalakad. O ha. Hindi ba't mas interesante at komplikado kung dyip ang ating iisipin at hindi lang basta taong nakatayo (na ang nasa harapa'y hinaharap at ang nasa likura'y nakaraan)? Maaari pa nating gawing kakaiba ang disenyo ng ating "dyip" na tunay na sasalamin sa atin! Mas nakaaaliw itong isipin.


Ang saya nilang tingnan.

Ang saya nilang tingnan.

Patuloy lang ang biyahe. At habang tayo'y nagpapatuloy, dumarami nang dumarami ang ating naisasakay.











Huwag kang maiwan. Sakay na!










Dati.









Cymer, “High Velocity,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/cymer/185094897/ (accessed February 6, 2012).

dingerdclicker, “Philippine Jeepney,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/dingerdclicker/3636091979/ (accessed February 6, 2012).

gecua, “Jeepney,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/gecua/3751600833/ (accessed February 6, 2012).

greeneighteen, “Siksikan(packed),” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/greeneighteen/6328132731/ (accessed February 6, 2012).

joeyyepez, “destinations,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/joeyyepez/3771702538/ (accessed February 6, 2012).

jzy, “It's getting awfully crowded in here!,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/jzy/178811565/ (accessed February 6, 2012).


life begins with 4t, “the lone passenger,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/life_begins_with_4t/3815758114/ (accessed February 6, 2012).


life begins with 4t, “the philippine jeepney,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/life_begins_with_4t/5020517685/ (accessed February 6, 2012).

lunaestan12, “Bayad po,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/lunaestan12/3273363135/ (accessed February 6, 2012).

Saturday, February 4, 2012

Lalala

Ang susunod na tula ay aking ginawa dahil nais kong malaman ang hanggahan ng pag-iisip ng tao - paano ba tayo nakakakuha ng mga pagpapakahulugan sa mga salita, lalo na sa mga tula? Kung iisipin, maraming tula ang cryptic, vague at ambiguous (hindi natin malaman kung ano ang tiyak na kahulugan ng isang tula). Ngunit pinipilit pa rin natin gumawa ng kahulugan mula sa mga tulang ito.

Sa tulang Lalala, nais kong ipakita na ang tao ay makagagawa ng kabuluhan sa kahit anong magkakaugnay na salita, gaano man kahirap. Ngunit, tulad sa huling saknong, may mga bagay na wala naman talagang ugnayan. Ngunit pipilitin pa rin natin itong hanapin, dahil ganoon tayo - katulad ng mensahe ng tulang "Monologue for an Onion". Isa na rin itong pagbibigay-pansin sa isang nakakatuwang nakasanayan ng maraming mag-aaral, lalo na sa hayskul - ang paglikha ng tula sa pamamagitan ng pag-iisip muna ng mga salitang tumutugma, bago isipin ang kabuluhan at kahulugan ng tulang lilikhain. At dahil nakakatuwang sabihin ang huling saknong nang paulit-ulit. Patola.


Lalala

Gumagala,

Nakatingala,
Nakalulula.


Hinihila,
Kumakawala,
Madla.


Bumubula,
Nagtatala,
Sambitla.


Nawawala.
Simula.


Nag-aalala,
Nakakabakla,
Maningning na tala.


Nanghuhula,
Nagkakasala,
Anong mapapala?


Lumalala,
Di makaila,
Tulala.


Patula-tula,
Tumutula-tula,
Patola.

Tala, Tula, Tala


Tula ang aking tala
Tala na gumagala
Gumagala sa dila
Dila nitong may sala.

,

Tula, ang aking tala
Tala kung sa'n nagmula
Nagmula sa 'sang wala
Wala ang himala.

,

Tala ang aking tula
Tula kung sa'n sambitla
Sambitla ko at punla
Punla, nagsisimula.

,

Tala, ang aking tula
Tula ng 'sang tulala,
Tulala, tumingala
Tumingala ka't wala.

Tuesday, January 31, 2012

Ang Pag-iisip ni Neneng Batuta

Hindi pa ito ang maikling kuwentong nais kong isulat. Drabble siguro itong matatawag kung ito'y fanfiction. Ito ay isang pagsilip sa pag-iisip ni Neneng Batuta.


Kakatapos lang naming mag-agahan-tanghalian-hapunan ni Toy. Iyong supot ulit, katulad ng dati. Kaso nawawalan na ng ubra. Kanina nakakatawa si Totoy, ang high. Biglang tumatawa, nagagalit, tapos tumatawa ulit.

Sabi ni Toy, kabalyero raw kami. Ano ba iyon? Mukhang hindi maganda. Parang hayop iyong tunog eh. O kaya kaldero. O baka mas maganda maging kaldero? Pero kung magiging gamit panluto lang din naman kami, mas gusto ko maging sandok. Kung anu-anong ulam ang natitikman ng sandok. Pero, di tulad ng kutsara, di niya kailangang maglabasmasok sa bunganga ng kung sino. Gusto ko sandok. Para masarap.

Pero wala pa ring tatalo sa batuta ko. Laspag na ito. Gamit na gamit na. Hindi ko maalala kung kailan ko ba ito unang nakuha. Basta, noong nagkamalay ako, hanggang sa naaalala ko, hawak ko na ito.

Mapagkakatiwalaan ba ang alaala? Hindi ko na maalala ang kulay ng damit ni Aling Sungit. Nakadamit ba siya? Nakakadiri naman kung hindi. Bakit nakakadiri? Bakit bawal maghubad?

Maghubad kaya ako ngayon?

Nakakahiya.

Teka. Isa-isang tanong lang. Nararamdaman ko ang dugo sa utak ko. Alaala. Marami tayong hindi maalala. At kung may superpower tayong mga tao, sigurado akong lahat ay magaling manloko. Pati sarili natin kaya nating lokohin e. Kung iisipin ko lang ngayon na nakakulay pusha-pusya-fusha... pucha, pink... si Aling Sungit, e di puwede ko nang paniwalain ang sarili ko na pink nga iyon at hindi porpol. Ang dali lang, di ba. Superhero na ako. Superman-loloko. Ehehehehe.

Alaala. Bakit naman kasi ang daling dayain? Hindi ba puwedeng may isip tayong parang DVD? Para puwedeng ulit-ulitin, i-rewind, i-fast forward, o i-pause. Mura lang naman ang DVD, singkwenta dalawa. Bakit kaya di naisip iyon ng kung sino man ang gumawa sa isip at alaala natin? Kung naging DVD na lang sana utak natin, tapos camera iyong mga mata natin, tapos puwede mag-transform sa malaking TV iyong talukap ng ating mga mata para kapag pumikit tayo, mapapanood natin ang kahapon, o kung anumang kabanata ng ating buhay ang nais nating balikan.

Ang ganda sigurong cartoons noon. Parang si Naruto lang. Magpaparami rin ako. Dahil gusto ko lang.

Mapagkakatiwalaan ba ang alaala? Kung kaya nating baguhin ang ating alaala, e di isang malaking kalokohan lang ang lahat. Naglolokohan na lang tayo. Paano kung hindi pala ako si Ne. At hindi si Toy si Toy. E di ang gulo na. Paano kung siya pala talaga si Ne at ako pala talaga si Toy? Lalong gumulo. Paano kung nagkataon lang na nagkauntugan kami at nagkapalit ang aming alaala, pero hindi namin alam at hanggang ngayon wala kaming malay na nagkapalit na pala kami?

Puwede na akong maging direktor.

Kung nabubura at nababaluktot ang alaala, ganoon din kaya ang kasaysayan? Hindi ba nakasalalay ang kasaysayan sa alaala? Sabihin na nating nakasalalay ito sa mga nakatalang pangyayari, pero hindi ba't kailangan mo munang maalala bago mo maitala? Paano kung nagsisinungaling ang alaala? E di wala na.

Ano pa ang mapagkakatiwalaan? Ano ang totoo?

Ang ngayon? Kung ano ba ang nakikita ko ngayon, heto lamang ang totoo? Paano ang hindi ko nakikita, nararamdaman, naririnig, naamoy, nalalasahan - wala na, peke na?

Ano ang totoo? Hindi natin alam. Basta, tayo ay nagtitiwala. Nagtitiwala sa mga alaalang ang katotohanan ay walang kasiguraduhan, ngunit mahalaga. Mahalaga dahil sa damdaming naiiwan ng bawat karanasan, bawat panahon na nagiging alaala.

At iyon ang mahalaga.

...Teka. Parang may nakalimutan yata akong tanong na dapat kong sagutin...

Buti hindi nakakabasa ng isip si Toy. Kung hindi, siguradong naasar na naman niya ako. Noong isang beses, tinanong ko siya kung saan nakasalalay ang buhay. Sabi niya, basta raw tumitibok ang puso, buhay pa. Kaso paano ang halaman, sabi ko. Tapos sabi niya, picha ka, suminghot ka na lang. At sabay tawa.

Pero saan nga ba?

Nakup. Kung nakakabasa lang talaga si Toy ng isip. Siguro high pa ako. Kaya kung ano-ano ang nasa isip ko.

Kahit ano namang isip ang gawin ko, hindi naman magiging pagkain ang mga ideya ko.

Pero basta nandito si Toy, kaya ko.

Basta nandito si Toy.