Saturday, August 11, 2012

Ako ay May TB (Tula Blues)


Ako ay May TB

Ako ay may TB
Umubo sa panyo
At biglang nakita
May dugo na pala.
Sayang ang panyo kong
Caruso ang logo.
Kung sa tisyu sana
Mabilis itapon.

------------------------------

Hindi Ito Tula

Ano ba ang tula?
Dahil ba may linya-
Ay, taludtod pala-
Tula na?
Dahil
Lamang
Ba
SaPaghihiwa-hiwalayNgMgaSalita?
O kaya
Sa mga patlang,
Mga espasyong tila sumisigaw na punan?
O sa mga talinhaga? Na sinlalim ng sapa sa kalsada kapag umuulan.
(Alam kong panget na halimbawa iyon.)
Sa mga (hindi) nasasabi?
O baka sa mga tanong nitong sinusubukang tanungin muli, at minsan, sagutin?
Saan? Ano? Paano masasabing ang isang tula
Ay isang tula?

Ano ang tula?

Sa wika ba ito nakasalalay?
(Make kain the omelette du fromage dine, pangga!
Charot lungs! Tinirsung qUowz nHuhsz.)


Sa dramatic situation, persona, tone o rhythm?
Kailangan bang animan? Limahan? Apatan?
(edit: hindi raw.)
Kailangan bang malinis?

Ano ang tula?

Ang pagtatanong ba sa kung anong kailangan ng tula ay katulad na rin ng paghanap ng formula nito? Maari ko bang sabihin na sa paghahanap ng formula ay tila lalo akong lumalayo sa diwa ng tula, at ng anomang sining, na dapat ay walang formula? Dahil kung may formula, ano ang 'bago'? Parang sinabi mong x equals y tapos mamaya gusto mong x equals z naman. Na p'wede naman.

(Ang panget talaga ng mga halimbawa ko.)

Kailangan bang isa lang ang paksang iniikutan ng isang tula?

Bakit ba
kasi
may tula? Bakit hindi
na lang sanaysay
ang lahat?
O dula? O alamat?
Paano kung lahat ay tula pala?

Na
ang lahat ng sining ay tula.
At
ang tula ay ang lahat.

Na,
Baka,
nasa pagpapakahulugan ng tao nakasalalay
Ang pagpapakahulugan
Sa sining bilang isang tula,
at ang tula bilang isang sining.

Teka.
Kung ganoon,
may personal definition
of poem tayo?
Personal God ang peg?

...

Ano ang tula?

...

Hay.
Sino bang sasagot sa akin?!

...

Hello, Google.

------------------------------

Parikala

Hindi ito tula,
Kundi isang talâ.
Ang laman ay walâ,
Katulad ng bulâ.
Magaan... ...at galâ.
Kung sa'n lang nagmulâ.
At, walang babalâ,
Biglang mawawalâ.
Ika'y tuminghala,
Humiling: himala.
Ngunit, ang malalâ,
Wala kang napalâ.

------------------------------

Hai(na)ku

Napakahirap.
Ang pagkatha ng tula'y
Madugo. Iyak.

------------------------------

Ang tagal ko nang hindi nagsusulat! Ngayon, alam ko nang ang ako na nakainom ng ilang baso ng kape at ang pagkatha ng tula ay seryosong hindi compatible. Sobrang sabaw lang!

*Ang una ay naisulat dahil may nabasa akong kuwento na ang bida ay nagka-TB. Naisip ko, kung mangyayari sa akin 'yon, sana tisyu talaga ang uubuhan ko, kasi ang hirap maglaba! Lalo na siguro kapag may TB ka. Hiwalay pa ang gamit mo kasi baka makahawa ka. -_-

*Ito naman ay naisulat dahil sobrang daming magandang tula na ipinapasa bilang jornal entri. Pero ano ba ang tula? Sa sobrang lawak ng pagpapakahulugan dito, nasaan ang hanggahan nito? Marahil ito ay para sa atin para tuklasin... ngunit sa ngayon, Google at mga klase muna ang magtuturo sa akin nito.

*Minsan, talagang wala lang akong maisip. Paano mo ipapakita ang kawalang iyon sa tula? Sinubukan ko, at mukhang wala akong napala. Ngunit, natuwa ako sa nagawa ko dahil ang tagal ko nang hindi nakagagawa ng tulang may sukat at tugma! Kaya ipinasa ko pa rin siya.

*Lubos akong natutuwa sa "tula'y" dahil napakalapit nito sa tulay. Ang hirap maging tulay! Lalo na siguro kung ikaw 'yong tulay sa may bayan (Marikina) - lagi na lang malapit bahain, lagi na lang natatakot mabangga ng kung ano-ano, lagi na lang dinadaanan, lagi na lang nabibigatan. "Stress!" siguro ang nais niyang isigaw. Haha. Pero, ang tula bilang tulay... napakahirap gawin nito, lalo na para sa akin, na hindi naman naging malikhain o mahusay sa pagkatha. Paano mo maipararating ang isang idea na ikaw mismo, hindi makayang buoin? Talagang madugo. Kaya naniniwala ako na ang sining ay hindi lamang talento, kundi, katulad ng salitang-ugat ng 'malikhain', may paglikha, may proseso, may pagsisikap na simulan at tapusin ang proseso. At kung pagsisikap lang naman, hindi ako magpapatalo! Haha!

Ang tagal ko nang hindi nagsusulat. Naisip ko kasi na mas magandang magbasa muna. Akala ko kakayanin ko pa ng ilan pang linggo. Pero hindi na! Magbabasa ako at magsusulat, habang nag-aaral!

Kaya ko 'yan, tiwala lang!

3 comments:

  1. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  2. May mga nakapupuslit pa rin ditong pagkaligta tulad ng "maari" (na dapat ay "maaari") o dobleng maramihan sa "sobrang daming magagandang." Gayumpaman, dahil sa kalidad ng tinig na nasa pagmumuni at sa baryasyon ng anyo sa mismong pag-iisip ay binibigyan kita ng isang markang pagtaas para rito. Pagbati!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Maraming salamat po, sir! Ipagpaumanhin n'yo po ang mga typo. Mas pagtutuunan ko po ng pansin ang mga ito sa susunod bago ipasa! Unang entri ko po itong ginawa sa phone! Muli, salamat po, at ie-edit ko na po ito!

      Delete