Monday, February 6, 2012

Beep, Beep!

Kakaibang tunay ang mga Aymara. Ang "nakaraan" para sa kanila ay nasa harapan. Ang "hinaharap" naman ay nasa likuran. Kung tutuusin, mas may kabuluhan ang kanilang pagpapakahulugan sa panahon. Maraming magandang argumento ang kaisipang ito ng mga Aymara. Una, nasa harapan ang nakaraan dahil madali itong "makita" at lagi na itong nasa ating isipan. Ikalawa, nasa likuran ang hinaharap dahil hindi ito abot-tanaw. Tama naman, hindi ba? Ngunit, para sa akin, tama lamang na ang nakaraan ay "nakaraan" at ang hinaharap ay "hinaharap." Bakit? Dahil sa dyip.


(O sa kahit anong sasakyan, sa totoo lang.)

Kapag sinasabing hinaharap, o nakaraan, ang unang larawan na pumapasok sa ating isip kaugnay ng posisyon ng tao sa panahon ay isang nakatayo o naglalakad na tao. Ngunit paano kung nakasakay siya sa isang sasakyan? Unti-unti nang malulutas ang problema ng "nakaraang" kung tutuusi'y dapat hindi nakikita at "hinaharap" dapat nama'y kitang-kita. At dahil tayo'y mga Pilipino, mas nakatutuwang isipin kung ang sasakyan ay dyip, at tayo'y nasa isang dyip. Ngunit hindi tayo mga pasahero ngayon. Tayo ang tsuper.

Dati.


Ang nakaraan ay literal na ating nadaanan. Hindi katulad kapag taong nakatayo lamang ang larawan sa isip, maaari nang makita ang nakaraan sa pamamagitan ng salamin sa harapan at gilid ng drayber. Ngunit maliliit na salamin lamang ang mga ito kaya't pili lamang ang nakikita. Nararapat lang na maliliit ito dahil kakaunti lamang ang ating naaalala. Marami naman talaga tayong hindi maalala sa ating nakaraan. Dati. Maaari nating sabihin na ang mga "pasahero" sa ating "dyip" ang iilang alaala na napili nating matandaan nang lubos, malay man tayo o hindi sa pagpiling ito. At ang kakarampot na ilaw mula sa "pintuan" ng jeep ay iyong mga alaalang ating naiwan na. Ito rin ang nasasalamin ng mga "side mirror." Nagsisilbing paalala ang mga "side mirror" para sa mga sasakyan para hindi makaskas o tumama sa gilid ang sasakyan. Ganito rin naman ang silbi ng ating mga alaala. Dati. Masasabing ang "pamasahe" ng mga "pasaherong" ito ay ang mga aral na nakuha natin mula sa mga karanasan sa nakaraan, na tunay nga naman nagpapayaman sa atin.

Ang hinaharap naman ay ang nasa harap natin. Hawak natin ang manibela kaya tayo ang nagpapasya kung saan tayo tutungo. Ngunit, hindi natin nakikita ang buong hinaharap natin. Katulad sa dyip, hindi mo nakikita ang buong harap dahil nahaharangan ka ng isang salamin, isang lente kung saan ating nakikita ang daan, ang mundo. Marami pa nga minsang nakaharang sa salaming ito, katulad na lamang ng mga papel at karton na nagpapakita kung saan tayo papunta, mga sticker, permit, kung ano-anong burloloy, atbp. Dati. Sa buhay natin, ito ang mga ideolohiyang bumabara sa ating nakikita. Gayumpaman, mayroon naman tayong kakaunting "foresight" o "hula" sa kung anumang mangyayari sa atin kaya't mayroon pa rin tayong nakikita. Kahit ang ating mga pangitain ay hindi laging tama dahil sa mga natataong kaganapan, ganoon rin naman kung tayo'y nasa dyip - minsan nililinglang tayo ng ating mga mata. Ang mga akala nating "two-way streets" ay "one-way" pala, at bawal pala ang "u-turn." Kaya sakto lamang ang dyip kung ilalarawan ang panahon.

Ngunit saan tayo patungo? Katulad sa dyip, alam natin kung ano ang nais nating marating - tagumpay at kaligayahan. Ngunit hindi natin alam kung paano tayo tutungo roon. Maraming daan papunta at maaaring minsan masiraan pa tayo ng sasakyan. Ngunit mayroon namang mga gasolinahan, mekaniko at ang ating sariling mga kagamitan para tulungan tayong ayusin ang mga ito. Para sa akin, ang mga gasolinahan ay ang mga pinagkukuhaan natin ng inspirasyon, ang mga mekaniko ang mga libro at ang sarili nating kagamitan ang ating kaalaman at kakayahan. Sa tulong ng mga ito, nakakaya nating magpatuloy sa ating biyahe.

Dati.

Minsan nama'y may mga nababali tayong batas-trapiko. Sa tingin ko'y ito ang mga pagkakataong nasisira natin ang ating sariling mga paninindigan (sa tingin ko'y mas nararapat ang salitang paninindigan kaysa moralidad sapagkat ang moralidad ay higit na nakaugnay sa relihiyon o sa kung anuman ang tinatanggap ng lipunan. Ngunit hindi naman lahat ay may relihiyon at hindi lahat ng itinuturo ng relihiyon ay ating sinusunod, masakit at mahirap mang aminin. Hindi rin lahat ay sumusunod sa dinidikta ng lipunan. Mas magandang gawing pamantayan ang sarili).

Ngunit patuloy lang ang biyahe. Maaari tayong bumusina, tumigil, atbp. Nasa atin ang manibela. Tayo ay gumagalaw, naglalakbay. Mas masayang isipin na hindi lamang tayo nakatayo o naglalakad. O ha. Hindi ba't mas interesante at komplikado kung dyip ang ating iisipin at hindi lang basta taong nakatayo (na ang nasa harapa'y hinaharap at ang nasa likura'y nakaraan)? Maaari pa nating gawing kakaiba ang disenyo ng ating "dyip" na tunay na sasalamin sa atin! Mas nakaaaliw itong isipin.


Ang saya nilang tingnan.

Ang saya nilang tingnan.

Patuloy lang ang biyahe. At habang tayo'y nagpapatuloy, dumarami nang dumarami ang ating naisasakay.











Huwag kang maiwan. Sakay na!










Dati.









Cymer, “High Velocity,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/cymer/185094897/ (accessed February 6, 2012).

dingerdclicker, “Philippine Jeepney,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/dingerdclicker/3636091979/ (accessed February 6, 2012).

gecua, “Jeepney,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/gecua/3751600833/ (accessed February 6, 2012).

greeneighteen, “Siksikan(packed),” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/greeneighteen/6328132731/ (accessed February 6, 2012).

joeyyepez, “destinations,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/joeyyepez/3771702538/ (accessed February 6, 2012).

jzy, “It's getting awfully crowded in here!,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/jzy/178811565/ (accessed February 6, 2012).


life begins with 4t, “the lone passenger,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/life_begins_with_4t/3815758114/ (accessed February 6, 2012).


life begins with 4t, “the philippine jeepney,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/life_begins_with_4t/5020517685/ (accessed February 6, 2012).

lunaestan12, “Bayad po,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/lunaestan12/3273363135/ (accessed February 6, 2012).

2 comments:

  1. Maaari, hindi maari. Isaayos pa ito sang-ayon sa "Gabay sa Ispeling" bago muling i-email ang link.

    ReplyDelete
  2. Pangunahin dahil sa paggamit ng epektibong mga larawan kaugnay ng pinapaksa, binibigyan kita ng +1 na LG para sa entring ito.

    ReplyDelete