Ang lahat ng tao ay may mga lihim. Minsan, maging ang ating mga layunin at ang ugali ay ating itinatago sa harap ng iba. Isa sa mga dahilan nito, para sa akin, ay takot tayong masaktan. Ngunit mas takot tayong makasakit ng iba at kamuhian nila dahil dito. Dahil sa takot na ito, nagkakaroon ng pagtatalo sa ating mga nais - ayaw nating masaktan at makasakit ngunit gusto pa rin natin ng isang makakasama. Ang nakikita nating solusyon ay ang magtago at magbalatkayo.
Ito ay higit na nakikita sa mga drama sa telebisyon at sa pelikula. Magkakaroon ng pagkakataon na ang bida ay makakaharap ang kontrabida at may hostage o blackmail na hawak ang kontrabida. Dahil dito, nanaisin ng bida na lumayo na lamang ang kanyang mga mahal sa buhay (kung hindi man ito ang utos ng kontrabida) ngunit sa loob niya'y naghahanap siya ng mapagsasabihan, isang kaibigan na maaaring tumulong. Muli, sa kabilang banda, Ayaw na ayaw niyang masaktan ang kanyang mga mahal sa buhay kaya magsasakripisyo siya at magbabalatkayo na walang nangyayaring masama o kaya nama'y biglang mag-iiba ang kanyang ugali. At ito nga ang nangyari sa tula - sinusubukang magpakatatag ng persona ngunit makikita pa rin, matapos balatan ang kanyang mga pahayag, na nahihirapan siya.
Balatan
Gagawin ko ang lahat ng aking nais
Kahit sa oras na masaktan nang labis.
Ayos lang kahit sino, lalo ang iba,
Siya o ikaw, ang sarili, kahit kapwa.
Ang hadlang ay kamumuhian kong lubos.
Ikaw ma'y di mapapatawad. Sa unos,
Sarili lamang ang nais kong sagipin.
Ang ayaw ko lang ay manga alagain,
Ang manga kaibigan na sinasabi.
Paalam lamang ang binigkas ng labi.
Tanggalin natin ang "balat" ng tula. Tanggalin ang una at huling linya, pati ang una at huling dalawang salita sa bawat linya. Ito ang kalalabasan:
Gagawin ko ang lahat ng aking nais
Kahit sa oras na masaktan nang labis.
Ayos lang kahit sino, lalo ang iba,
Siya o ikaw, ang sarili, kahit kapwa.
Ang hadlang ay kamumuhian kong lubos.
Ikaw ma'y di mapapatawad. Sa unos,
Sarili lamang ang nais kong sagipin.
Ang ayaw ko lang ay manga alagain,
Ang manga kaibigan na sinasabi.
Paalam lamang ang binigkas ng labi.
Oras na masaktan kahit sino, lalo ikaw, ang sarili ay kamumuhian, di mapapatawad. Ang nais ko lang ay kaibigan.
Mahirap umarteng malakas kung ika'y hinang-hina na. Ngunit, bilang mga taong marunong magmahal at lubhang natatakot masaktan at makasakit ay ginagawa pa rin natin ito. Para sa akin ay hindi ito maiiwasan at hindi dapat iwasan kung nasa lugar naman. Gayumpaman, nawa'y makahanap tayong lahat ng kahit isang makakasama, isang kaibigan, na maaari tayong maging bukas. Mahirap magtiwala, subalit kay sarap at kay gaan sa pakiramdam kapag nasusuklian ito. Ang mas magandang solusyon ay tiwala, sa halip na pagbabalatkayo. Kung ang pundasyon ng relasyon ay tiwala, siguradong ito'y magtatagal.
Natutuwa ako sa paglalaro sa anyo. +1 na LG para sa entring ito.
ReplyDelete