Pero hindi rin naman ganito kaliit.
Ika-28 ng Hunyo 2012, Huwebes. Nawala ang payong ko. Ay, mali. May kumuha ng payong ko.
Ang sakit.
Ang lakas pa naman ng ulan. Kung kailan ko siya kinailangan, saktong noon pa siya (nawala) kinuha. Kakagamit ko lamang sa kaniya. Ngunit, dahil sa (katangahan ko) mapaglarong tadhana, nakalimutan ko siyang ilagay sa bag ko pagkatapos ng klase ko. Ang napansin ko lamang ay gumaan ang bag ko. Subalit kahit gaanong gaan niya ay tila bumigat naman ang aking pakiramdam.
Akala ko'y wala lang. Matapos ang aking huling klase, isinusuot ko na muli ang aking bag at naghahanda na akong umalis. Ang dilim ng kalangitan. Nagbabadya ang ulan. Ilalabas ko na ang payong ko- nawawala. Wala siya. Naiwan ko sa bahay! Ay hindi, nagamit ko pa siya kanina... nasaan na siya? Ah, sa silid-aralan!
Nagmadali ako sa pagbalik sa silid. May klase pa. Hinintay kong matapos. Kinakabahan ako. Hindi ko alam kung anong iisipin ko - may nakakuha kaya o naroon pa kaya siya?
Natapos ang klase. Pagsilip ko sa silid ay wala na siya. Wala na ang payong ko.
Ang sakit.
Mas masakit pa sa pagtusok ng payong sa leeg mo... ano raw?!
Ngayon, alam ko na. Natuto na ako. Hindi ako matutulad sa dagang lagi na lamang naparurusahan dahil lagi na lamang maling pintuan ang kanyang binubuksan. Hindi ko na iiwan kahit saan ang payong ko, basa man ito o tuyo. Hindi na kami magkakahiwalay.
Pero, teka. Galit na galit naman yata ako. Kung tutuusin, maliit na bagay lamang ang pagkawala ng payong ko, kung ikukumpara sa maraming problema sa mundo katulad ng kahirapan, katiwalaan at krimen. Pero, hanggang ngayon, kahit alam kong maliit lamang ito sa paningin ng iba, para sa akin, galit pa rin ako. Tunay ngang hindi maiiwasan ang pagiging subhetibo ng mga tao.
Sinasabing rasyonal tayong mga tao. Ang pagkaka-intindi ko sa isang taong rasyonal ay siya ay isang taong obhetibo ang pananaw sa kaniyang nalalaman o nararanasan at may kakayahang makahugot ng kabuluhan mula sa mga ito, desisyon man o obserbasyon. Ngunit, kung tunay tayong rasyonal, bakit may nosyon tayo ng pagiging subhetibo? Hindi ba dapat ay hindi natin alam kung ano ang pagiging subhetibo dahil lahat tayo ay obhetibo? Hindi kaya tayong mga tao'y natural na subhetibo, at nabuo lamang natin ang nosyon na pagiging obhetibo para sa mga isyu na hindi naman tayo interesado o direktang naapektuhan?
Teka, teka. Bago ninyo ako i-flame, may dahilan naman ako sa pag-iisip ng ganito. Naisip ko lamang kasi, bakit ba tayo binigyan ng kapasidad na makaramdam ng emosyon? Sa totoo lang, para sa akin, ito ang pinakamalaking balakid sa pagiging obhetibo at rasyonal. Dahil sa emosyon, marami tayong nais na pagtakpan, o kaya nama'y nais makita kahit wala naman. Dahil sa emosyon, kahit minsan ay wala nang saysay o lohika ay naniniwala tayo sa isang bagay. Dahil sa emosyon, nagbabago ang paningin o pananaw natin sa maraming karanasan. Sabihin na nating ang emosyon ay isa sa mga pinakamakapal na lente na ating ginagamit upang makita ang mundo, maging ang ating sarili.
Alam kong imposible (o halos imposible) ang pagtingin sa mundo ng walang lente, ng walang pinanggagalingan. Dahil, kung walang lente, wala rin naman talaga tayong makikita - katulad ng gamit nito sa ating mga mata at camera. Pero, kahit wala ang emosyon bilang isang lente, marami pa namang lenteng matitira sa atin tulad ng ating mga paniniwala at scientific facts.
Kaya nga, napaisip ako, talaga bang ginawa tayong mga tao bilang mga rasyonal na tao? Kung oo, bakit tayo binigyan ng emosyon? Bakit hindi na lamang tayo ginawa (o "nabuo," para sa mga atheists o sa mga naniniwala sa evolution) na walang emosyon? Katulad ng mga robot, ni Spock o ng mga halaman? Baka naman dahil hindi tayo meant to be ng rationality. Baka dapat mas yakapin natin ang emosyon natin.
Aww.
Sa loob ng panahon na nagpaka-emo ako at nag-isip lang nang bongga sa isang tabi, iyon ang aking na-conclude. Na, marahil, mas natural sa tao maging emosyonal kaysa rasyonal. Kung tutuusin kasi, ang pagiging rasyonal ay maaarin nating iugnay sa pagpupumilit (stubbornness) ng mga tao na hanapin ang kasagutan o kaya nama'y humanap ng rason.
Marahil, kaya tayo binigyan ng emosyon ay dahil ito ang isa sa mga nagtutulak sa atin sa iba't ibang direksiyon. Kumbaga, ang nagpapatakbo ng ating "free will."
Teka, teka. Sa sobrang dami ng sinabi ko at naisip ko, isa lang naman ang may konek sa pagkawala ng payong ko. Ang nag-iisang damdamin na namamayani sa akin ngayon ay galit. Galit na bunga ng sentimentalidad.
Tayo ay mabilis bumuo ng mga ugnayan, isyu man yan o tao o pareho. Para bang kailangan nating pag-ugnayin lahat, kung hindi ay hindi ito makatatayo mag-isa (na siguro ay konektado sa kung paano nabubuo ang neurons sa utak natin - konektado sila, may hierarchy at classifications na tumutulong magpadali ng pagkuha ng impormasyon). Ngunit, kahit sa mga bagay, iniuugnay natin ang ating sarili. Minsan, iiyak pa tayo kapag nawala ito.
Huhu. Hindi bagay 'yung eyeshadow ko.
Grabe, no? Sobrang na-level up na ang mga emosyon natin na puwede na natin siyang i-apply kahit sa mga bagay.
Pero (at siguro mas tamang sabihin na, "at dahil dito"), hindi pa rin ako maka-get over.
Bakit ba kasi kailangang kunin ang payong ko? Payong KO, capital K and O. As in KO, mine, akin. Alam mo 'yung hindi iyo? Iyon 'yung payong ko. Alam mo ba 'yun?!
Teka. Chill.
Cool ka lang.
Kung susubukan kong tingnan objectively, most likely, kinuha niya iyon simply because it's there. May posibilidad, at kinuha niya iyon. Never let an opportunity pass, hindi ba? Na-tempt siya, at hindi niya kinayang umayaw.
Ngunit, kung gagana ang ganoong rason, mauuwi tayo sa "finders, keepers" na drama. Ano tayo, scavengers? Nasa post-apocalyptic world na ba tayo na may zombie outbreak kaya kailangan nang magnakaw, kumuha ng hindi iyo i.e. PAYONG KO? Hindi pa ba sapat ang payong mo?
Sige, sige. Sabihin nating ngayon, ganito naman talaga ang drama. Tingnan na lamang ang ilang jeepney drivers - piso na lang ang sukli, hindi pa ibinigay sa akin. Sinabi ko namang estudyante ako. Sa kabilang banda naman, kapag sobra ang sukli sa 'yo, hindi mo na ibinabalik (kung nagbabalik ka ng sobrang sukli, hello friend! Ang bait mo! Kudos! Pagpapalain ka! Magbunyi, magbunyi!). O kaya naman, kapag nakakita ka ng bente sa daan, at walang tao, kukunin mo na, kasi, wala namang maghahanap noon. At maliit lang ang halaga.
PERO SA ISIP MO LANG IYON.
Oo, pare. Sa isip mo lang 'yon.
Sige nga, paki-define ng "maliit na halaga." Iba-iba ang depinisyon natin niyan. Para sa akin, ang maliit na halaga ay 25 cents. Kung cheap man ako sa paningin mo, sorry ka. Talagang praktikal lang 'to, p're (o 'te). Lahat pagkatapos noon ay may "malaking" halaga na. Kaya kung may nakita ako sa daan na ganito ay hindi ko na lang pupulutin o kaya'y ibibigay sa pinakamalapit na guard. Seryoso ako.
Paalala lang, ha. Hindi ko ipinipilit sa inyo na gayahin ninyo ako. Mas madali lang kasing magbigay ng mga halimbawa na mula sa sariling karanasan dahil ito ang mga alam kong totoo. Maniwala man kayo o hindi, totoo ito!
Trust me.
Anyway, lahat ng mga dahilang ito ay nasa isip lang natin. Ang totoo lang naman diyan e, gusto mong kunin kaya kinuha mo. Kung ayaw mo naman, hindi ka naman mapipilit e. Kung tae 'yan, hahawakan mo ba? Hindi ka naman mapipilit, hindi ba? Alam kong panget ang analohiyang ginamit pero ang eksaherasyong ito ang, para sa akin, magpapatingkad sa pagkakaiba ng ayaw mo at gusto mo kahit "bawal." Kapag gusto mo pero hindi katanggap-tanggap, laging "Kinuha ko kasi ganito kasi ganiyan." Pero kapag ayaw mo, "Ayoko nga humawak ng tae! Kasi tae siya, ano pa ba?!"
Kung namamayani ang ganitong kaisipan - kung gusto maraming dahilan (at paraan) kung ayaw ay ayaw lang talaga - kaya nga siguro namamayani ang "finders, keepers" mentality.
Pero, tuwang-tuwa naman tayo sa mga balita ng mga taong nagbabalik ng mga bagay na hindi kanila.
HYPOCRITES! (Okay, fine, pati ako natamaan.)
Ganito talaga tayong mga tao. Kapag hindi tayo direktang naapektuhan ay nakapag-iisip pa tayo sa masasabing rasyonal at obhetibong paraan. Ngunit kapag ikaw na, at ikaw na talaga, wala na. Na-flush na sa toilet ang logic. Naiwan sa bahay ang reason. Nalaglag kanina, at nakalimutang pulutin ang objectivity. Biglang puro dahilan at kagustuhan at ayun, na-overpower si konsiyensiya.
Naalala ko tuloy ang isa sa mga aral sa pilosopiya na hindi ko makalilimutan - na ang tao ay dinamiko, at laging gumagalaw patungo sa kaniyang iniisip na magpapabuo sa kaniya. (Ito iyong may Dinamikong X.)
X nga.
Marahil ito ang nagtutulak sa atin na "magnais" o magkaroon ng pagnanais.
Ngunit, naaalala ko naman ang nalaman ko sa teolohiya, na ang tao ay ginawa sa imahen ng Diyos. Nangangahulugan ito na tayo ay tulad ng Diyos o malapit sa Diyos.
Ninanais nating mabuo. At ang magpapabuo sa atin ay ang Diyos, ang maging malapit sa Diyos. At, kung nais nating mapalapit sa isang ideal na sarili, o sa Diyos, maaring mangahulugan ito na ang lahat ng ninanais natin ay nasa atin na.
Marahil, ang ating tunay na ninanais ay nasa atin na.
At, siguro, kaya tayo nagnanais ay dahil hindi natin maalala ang lahat ng mayroon tayo.
Sa kabilang banda, baka dahil alam nating kulang tayo kaya nagnanais tayo. Ngunit kulang nga ba tayo?
Ang alam ko lang, hindi mabubuo ang isang tao dahil lang sa payong.
Pero, sabihin nating isa kang taong realistiko, nabubuhay sa katotohanan ng ngayon, naniniwalang walang manloloko kung walang magpapaloko. Itatago kita sa pangalang "JU".
Hi, JU!
Ako: Alam mo ba, naiwan ko ang payong ko.
JU: Baka nasa classroom pa. Nakita mo na?
Ako: Kinuha na siya. Wala na siya. Hay. Walang kuwenta talaga. Ganito na ba kasama ang mundo?
JU: Ang tanga kasi. Bakit mo kasi iniwan 'yung payong mo?
Ako: Sorry na. Ako na nga 'yung nawalan, ako pa may kasalanan? (Isang tipikal na sagot ng mga "biktima")
JU: Rekla-reklamo ka, ikaw naman 'yung nagpabaya.
Ako: Bakit n'ya kasi kinuha? wala ba s'yang payong? Bakit kailangang kunin ang payong ko?
JU: Umuulan di ba? Kaya kailangan niya ng payong.
Ako: Hindi ba kasalanan niya at hindi siya nagdala ng payong? Alam na niyang tag-ulan e.
JU: Eh 'yun na nga. Tapos alam mo namang may mga walang payong ngayon, tapos iniwanan mo pa 'yung iyo roon. Malamang may kukuha n'yan.
Ako: Hindi ko naman alam na kukunin e! At hindi ko rin naman iniwan. Naiwan ko lang! Bakit naman kasi kukunin 'yong payong na 'yon e sira-sira naman na 'yon.
JU: E bakit mo dala?
Ako: Para kahit papaano, may payong.
JU: E di kaya n'ya kinuha - para kahit papaano, may payong.
Ako: E bakit hindi siya nanghiram na lang?
JU: Paano kung wala siyang kakilala?
Ako: Sa mga guards? Mababait naman sila a?
JU: Paano kung shy siya?
Ako: E di sana, ginamit niya 'yung payong ko, pumunta siya ng DSWS at nanghiram ng payong tapos ibigay na sa Lost and Found ang payong ko!
JU: Paano kung nagmamadali siya?
Ako: Hindi naman matagal 'yon ah?!
JU: Paano kung now na talaga?
Ako: Hindi nga matagal 'yon. At kung iisipin, bakit iyong payong ko pa? Marami namang payong sa Rizal Lib., pero talagang payong ko pa 'yung kinuha niya.
JU: Parang pagkain lang 'yan. Isipin mo kung gutom na gutom na siya, maghahanap pa ba siya ng maraming pagkain? Siyempre hindi na. 'Yung malapit na.
Ako: Pero, hindi magho-hold ang analogy mo. Kasi kailangan for survival ang food. Pero ang payong...
JU: Magkakasakit siya.
Ako: Pero hindi agad. At puwede kasi talagang gumamit ng ibang bagay muna pansangga sa ulan. At alam mo 'yung p'wedeng maghintay? Magpatila kaya siya ng ulan?
JU: E nagmamadali na siya e. Hindi na siya makakapag-isip nang maayos.
Ako: E 'yon na nga 'yong problema e. Nabubuhay tayo sa mundong nananatiling opsiyon ang manguha ng hindi iyo, ang magnakaw, kapag nahihirapan na. Bakit ganoon? Kasi nabubulok na tayo.
JU: OA ha. Dahil lang nawala ang payong mo.
Ako: Hindi nawala, kinuha! Di ba? Bakit naisip niya iyong gawin? Bakit? Bakit kailangang kumuha siya ng hindi kaniya kung marami namang ibang paraan para makamit ang kaparehong layunin - ang huwag mabasa. Bakiiiiiit?
At sa pagkakataong ito, nakalimutan na ni JU kung bakit niya ako binubuwisit lalo e nawala na nga payong ko.
Kung si JU ang nabubuhay sa katotohanan ng ngayon, "Ako" naman ang nabubuhay sa ngayon at ninanais baguhin ang baluktot na katotohanang bumabalot sa atin ngayon. Kaya kahit buwisit ako, hindi ako kukuha ng payong ng iba. Kahit bonggang lakas ng ulan, manghihiram na lang ako o magpapatila ng ulan. Pero hindi ako mangunguha ng payong na hindi naman akin.
Kaya, para sa akin, sa labanang JU vs. "Ako," mananalo ako. Ako na biased. Stress!
Hay, ganito na ba kabulok ang mundo? So prove me wrong! Ibalik mo na ang payong ko, litsugas ka! Walang magandang maitutulong sa iyo ang luma, sira-sira, ngunit para sa akin ay walang katulad, na payong ko. Please?
Mas maganda sigurong pamagat ng entri na ito ay: So long (ng entri ko dahil sa nanguha ng) payong (ko).
Naisip ko rin naman ang "Payong Kapatid" ngunit, kahit pa ang gusto kong magbigay ng payo ay hindi ko na muling "ibibigay" ang payong ko sa 'yo, kapatid!
Huling paalala: Wag manguha ng payong ng iba dahil sa bawat pagkuha mo, may isang blog entri na puno ng muhi na ginagawa para sa 'yo. Humanda ka sa 'kin pag nakita kita hindi kita... tatantanan!
Tantantanan.
Ito ka. Litsugas ka.
dont make a scene, “umbrella” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/maryciccolella/7479282836/ (accessed July 1, 2012).
Eva Rinaldi Celebrity and Live Music Photographer, “Ice Cube” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/evarinaldiphotography/7080211309/ (accessed July 1, 2012).
Misconception Photography, “Hug Me” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/alyzam6/5261459057/ (accessed July 1, 2012).
pushkinova, “stabbed by an umbrella” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/lamashtu/305434477/ (accessed July 1, 2012).
Raymond Larose, “.: x :.” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/lenscrack/6255363644/ (accessed July 1, 2012).
Stiefnu, “Ice Cube” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/xtiefnu/168331634/ (accessed July 1, 2012).
::: *TearS* :::, “Tear!” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/almaha/8512554/ (accessed July 1, 2012).
whologwhy, “LETTUCE” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/hulagway/5956351688/ (accessed July 1, 2012).
*Naka-censor ang mukha ni JU dahil