Tuesday, February 7, 2012

Nagbabalatkayong Ako

Ang lahat ng tao ay may mga lihim. Minsan, maging ang ating mga layunin at ang ugali ay ating itinatago sa harap ng iba. Isa sa mga dahilan nito, para sa akin, ay takot tayong masaktan. Ngunit mas takot tayong makasakit ng iba at kamuhian nila dahil dito. Dahil sa takot na ito, nagkakaroon ng pagtatalo sa ating mga nais - ayaw nating masaktan at makasakit ngunit gusto pa rin natin ng isang makakasama. Ang nakikita nating solusyon ay ang magtago at magbalatkayo.

Ito ay higit na nakikita sa mga drama sa telebisyon at sa pelikula. Magkakaroon ng pagkakataon na ang bida ay makakaharap ang kontrabida at may hostage o blackmail na hawak ang kontrabida. Dahil dito, nanaisin ng bida na lumayo na lamang ang kanyang mga mahal sa buhay (kung hindi man ito ang utos ng kontrabida) ngunit sa loob niya'y naghahanap siya ng mapagsasabihan, isang kaibigan na maaaring tumulong. Muli, sa kabilang banda, Ayaw na ayaw niyang masaktan ang kanyang mga mahal sa buhay kaya magsasakripisyo siya at magbabalatkayo na walang nangyayaring masama o kaya nama'y biglang mag-iiba ang kanyang ugali. At ito nga ang nangyari sa tula - sinusubukang magpakatatag ng persona ngunit makikita pa rin, matapos balatan ang kanyang mga pahayag, na nahihirapan siya.


Balatan

Gagawin ko ang lahat ng aking nais
Kahit sa oras na masaktan nang labis.
Ayos lang kahit sino, lalo ang iba,
Siya o ikaw, ang sarili, kahit kapwa.
Ang hadlang ay kamumuhian kong lubos.
Ikaw ma'y di mapapatawad. Sa unos,
Sarili lamang ang nais kong sagipin.
Ang ayaw ko lang ay manga alagain,
Ang manga kaibigan na sinasabi.
Paalam lamang ang binigkas ng labi.


Tanggalin natin ang "balat" ng tula. Tanggalin ang una at huling linya, pati ang una at huling dalawang salita sa bawat linya. Ito ang kalalabasan:

Gagawin ko ang lahat ng aking nais
Kahit sa oras na masaktan nang labis.
Ayos lang kahit sino, lalo ang iba,
Siya o ikaw, ang sarili, kahit kapwa.
Ang hadlang ay kamumuhian kong lubos.
Ikaw ma'y di mapapatawad. Sa unos,
Sarili lamang ang nais kong sagipin.
Ang ayaw ko lang ay manga alagain,
Ang manga kaibigan na sinasabi.
Paalam lamang ang binigkas ng labi.

Oras na masaktan kahit sino, lalo ikaw, ang sarili ay kamumuhian, di mapapatawad. Ang nais ko lang ay kaibigan.



Mahirap umarteng malakas kung ika'y hinang-hina na. Ngunit, bilang mga taong marunong magmahal at lubhang natatakot masaktan at makasakit ay ginagawa pa rin natin ito. Para sa akin ay hindi ito maiiwasan at hindi dapat iwasan kung nasa lugar naman. Gayumpaman, nawa'y makahanap tayong lahat ng kahit isang makakasama, isang kaibigan, na maaari tayong maging bukas. Mahirap magtiwala, subalit kay sarap at kay gaan sa pakiramdam kapag nasusuklian ito. Ang mas magandang solusyon ay tiwala, sa halip na pagbabalatkayo. Kung ang pundasyon ng relasyon ay tiwala, siguradong ito'y magtatagal.

Monday, February 6, 2012

Beep, Beep!

Kakaibang tunay ang mga Aymara. Ang "nakaraan" para sa kanila ay nasa harapan. Ang "hinaharap" naman ay nasa likuran. Kung tutuusin, mas may kabuluhan ang kanilang pagpapakahulugan sa panahon. Maraming magandang argumento ang kaisipang ito ng mga Aymara. Una, nasa harapan ang nakaraan dahil madali itong "makita" at lagi na itong nasa ating isipan. Ikalawa, nasa likuran ang hinaharap dahil hindi ito abot-tanaw. Tama naman, hindi ba? Ngunit, para sa akin, tama lamang na ang nakaraan ay "nakaraan" at ang hinaharap ay "hinaharap." Bakit? Dahil sa dyip.


(O sa kahit anong sasakyan, sa totoo lang.)

Kapag sinasabing hinaharap, o nakaraan, ang unang larawan na pumapasok sa ating isip kaugnay ng posisyon ng tao sa panahon ay isang nakatayo o naglalakad na tao. Ngunit paano kung nakasakay siya sa isang sasakyan? Unti-unti nang malulutas ang problema ng "nakaraang" kung tutuusi'y dapat hindi nakikita at "hinaharap" dapat nama'y kitang-kita. At dahil tayo'y mga Pilipino, mas nakatutuwang isipin kung ang sasakyan ay dyip, at tayo'y nasa isang dyip. Ngunit hindi tayo mga pasahero ngayon. Tayo ang tsuper.

Dati.


Ang nakaraan ay literal na ating nadaanan. Hindi katulad kapag taong nakatayo lamang ang larawan sa isip, maaari nang makita ang nakaraan sa pamamagitan ng salamin sa harapan at gilid ng drayber. Ngunit maliliit na salamin lamang ang mga ito kaya't pili lamang ang nakikita. Nararapat lang na maliliit ito dahil kakaunti lamang ang ating naaalala. Marami naman talaga tayong hindi maalala sa ating nakaraan. Dati. Maaari nating sabihin na ang mga "pasahero" sa ating "dyip" ang iilang alaala na napili nating matandaan nang lubos, malay man tayo o hindi sa pagpiling ito. At ang kakarampot na ilaw mula sa "pintuan" ng jeep ay iyong mga alaalang ating naiwan na. Ito rin ang nasasalamin ng mga "side mirror." Nagsisilbing paalala ang mga "side mirror" para sa mga sasakyan para hindi makaskas o tumama sa gilid ang sasakyan. Ganito rin naman ang silbi ng ating mga alaala. Dati. Masasabing ang "pamasahe" ng mga "pasaherong" ito ay ang mga aral na nakuha natin mula sa mga karanasan sa nakaraan, na tunay nga naman nagpapayaman sa atin.

Ang hinaharap naman ay ang nasa harap natin. Hawak natin ang manibela kaya tayo ang nagpapasya kung saan tayo tutungo. Ngunit, hindi natin nakikita ang buong hinaharap natin. Katulad sa dyip, hindi mo nakikita ang buong harap dahil nahaharangan ka ng isang salamin, isang lente kung saan ating nakikita ang daan, ang mundo. Marami pa nga minsang nakaharang sa salaming ito, katulad na lamang ng mga papel at karton na nagpapakita kung saan tayo papunta, mga sticker, permit, kung ano-anong burloloy, atbp. Dati. Sa buhay natin, ito ang mga ideolohiyang bumabara sa ating nakikita. Gayumpaman, mayroon naman tayong kakaunting "foresight" o "hula" sa kung anumang mangyayari sa atin kaya't mayroon pa rin tayong nakikita. Kahit ang ating mga pangitain ay hindi laging tama dahil sa mga natataong kaganapan, ganoon rin naman kung tayo'y nasa dyip - minsan nililinglang tayo ng ating mga mata. Ang mga akala nating "two-way streets" ay "one-way" pala, at bawal pala ang "u-turn." Kaya sakto lamang ang dyip kung ilalarawan ang panahon.

Ngunit saan tayo patungo? Katulad sa dyip, alam natin kung ano ang nais nating marating - tagumpay at kaligayahan. Ngunit hindi natin alam kung paano tayo tutungo roon. Maraming daan papunta at maaaring minsan masiraan pa tayo ng sasakyan. Ngunit mayroon namang mga gasolinahan, mekaniko at ang ating sariling mga kagamitan para tulungan tayong ayusin ang mga ito. Para sa akin, ang mga gasolinahan ay ang mga pinagkukuhaan natin ng inspirasyon, ang mga mekaniko ang mga libro at ang sarili nating kagamitan ang ating kaalaman at kakayahan. Sa tulong ng mga ito, nakakaya nating magpatuloy sa ating biyahe.

Dati.

Minsan nama'y may mga nababali tayong batas-trapiko. Sa tingin ko'y ito ang mga pagkakataong nasisira natin ang ating sariling mga paninindigan (sa tingin ko'y mas nararapat ang salitang paninindigan kaysa moralidad sapagkat ang moralidad ay higit na nakaugnay sa relihiyon o sa kung anuman ang tinatanggap ng lipunan. Ngunit hindi naman lahat ay may relihiyon at hindi lahat ng itinuturo ng relihiyon ay ating sinusunod, masakit at mahirap mang aminin. Hindi rin lahat ay sumusunod sa dinidikta ng lipunan. Mas magandang gawing pamantayan ang sarili).

Ngunit patuloy lang ang biyahe. Maaari tayong bumusina, tumigil, atbp. Nasa atin ang manibela. Tayo ay gumagalaw, naglalakbay. Mas masayang isipin na hindi lamang tayo nakatayo o naglalakad. O ha. Hindi ba't mas interesante at komplikado kung dyip ang ating iisipin at hindi lang basta taong nakatayo (na ang nasa harapa'y hinaharap at ang nasa likura'y nakaraan)? Maaari pa nating gawing kakaiba ang disenyo ng ating "dyip" na tunay na sasalamin sa atin! Mas nakaaaliw itong isipin.


Ang saya nilang tingnan.

Ang saya nilang tingnan.

Patuloy lang ang biyahe. At habang tayo'y nagpapatuloy, dumarami nang dumarami ang ating naisasakay.











Huwag kang maiwan. Sakay na!










Dati.









Cymer, “High Velocity,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/cymer/185094897/ (accessed February 6, 2012).

dingerdclicker, “Philippine Jeepney,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/dingerdclicker/3636091979/ (accessed February 6, 2012).

gecua, “Jeepney,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/gecua/3751600833/ (accessed February 6, 2012).

greeneighteen, “Siksikan(packed),” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/greeneighteen/6328132731/ (accessed February 6, 2012).

joeyyepez, “destinations,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/joeyyepez/3771702538/ (accessed February 6, 2012).

jzy, “It's getting awfully crowded in here!,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/jzy/178811565/ (accessed February 6, 2012).


life begins with 4t, “the lone passenger,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/life_begins_with_4t/3815758114/ (accessed February 6, 2012).


life begins with 4t, “the philippine jeepney,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/life_begins_with_4t/5020517685/ (accessed February 6, 2012).

lunaestan12, “Bayad po,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/lunaestan12/3273363135/ (accessed February 6, 2012).

Saturday, February 4, 2012

Lalala

Ang susunod na tula ay aking ginawa dahil nais kong malaman ang hanggahan ng pag-iisip ng tao - paano ba tayo nakakakuha ng mga pagpapakahulugan sa mga salita, lalo na sa mga tula? Kung iisipin, maraming tula ang cryptic, vague at ambiguous (hindi natin malaman kung ano ang tiyak na kahulugan ng isang tula). Ngunit pinipilit pa rin natin gumawa ng kahulugan mula sa mga tulang ito.

Sa tulang Lalala, nais kong ipakita na ang tao ay makagagawa ng kabuluhan sa kahit anong magkakaugnay na salita, gaano man kahirap. Ngunit, tulad sa huling saknong, may mga bagay na wala naman talagang ugnayan. Ngunit pipilitin pa rin natin itong hanapin, dahil ganoon tayo - katulad ng mensahe ng tulang "Monologue for an Onion". Isa na rin itong pagbibigay-pansin sa isang nakakatuwang nakasanayan ng maraming mag-aaral, lalo na sa hayskul - ang paglikha ng tula sa pamamagitan ng pag-iisip muna ng mga salitang tumutugma, bago isipin ang kabuluhan at kahulugan ng tulang lilikhain. At dahil nakakatuwang sabihin ang huling saknong nang paulit-ulit. Patola.


Lalala

Gumagala,

Nakatingala,
Nakalulula.


Hinihila,
Kumakawala,
Madla.


Bumubula,
Nagtatala,
Sambitla.


Nawawala.
Simula.


Nag-aalala,
Nakakabakla,
Maningning na tala.


Nanghuhula,
Nagkakasala,
Anong mapapala?


Lumalala,
Di makaila,
Tulala.


Patula-tula,
Tumutula-tula,
Patola.

Tala, Tula, Tala


Tula ang aking tala
Tala na gumagala
Gumagala sa dila
Dila nitong may sala.

,

Tula, ang aking tala
Tala kung sa'n nagmula
Nagmula sa 'sang wala
Wala ang himala.

,

Tala ang aking tula
Tula kung sa'n sambitla
Sambitla ko at punla
Punla, nagsisimula.

,

Tala, ang aking tula
Tula ng 'sang tulala,
Tulala, tumingala
Tumingala ka't wala.

Tuesday, January 31, 2012

Ang Pag-iisip ni Neneng Batuta

Hindi pa ito ang maikling kuwentong nais kong isulat. Drabble siguro itong matatawag kung ito'y fanfiction. Ito ay isang pagsilip sa pag-iisip ni Neneng Batuta.


Kakatapos lang naming mag-agahan-tanghalian-hapunan ni Toy. Iyong supot ulit, katulad ng dati. Kaso nawawalan na ng ubra. Kanina nakakatawa si Totoy, ang high. Biglang tumatawa, nagagalit, tapos tumatawa ulit.

Sabi ni Toy, kabalyero raw kami. Ano ba iyon? Mukhang hindi maganda. Parang hayop iyong tunog eh. O kaya kaldero. O baka mas maganda maging kaldero? Pero kung magiging gamit panluto lang din naman kami, mas gusto ko maging sandok. Kung anu-anong ulam ang natitikman ng sandok. Pero, di tulad ng kutsara, di niya kailangang maglabasmasok sa bunganga ng kung sino. Gusto ko sandok. Para masarap.

Pero wala pa ring tatalo sa batuta ko. Laspag na ito. Gamit na gamit na. Hindi ko maalala kung kailan ko ba ito unang nakuha. Basta, noong nagkamalay ako, hanggang sa naaalala ko, hawak ko na ito.

Mapagkakatiwalaan ba ang alaala? Hindi ko na maalala ang kulay ng damit ni Aling Sungit. Nakadamit ba siya? Nakakadiri naman kung hindi. Bakit nakakadiri? Bakit bawal maghubad?

Maghubad kaya ako ngayon?

Nakakahiya.

Teka. Isa-isang tanong lang. Nararamdaman ko ang dugo sa utak ko. Alaala. Marami tayong hindi maalala. At kung may superpower tayong mga tao, sigurado akong lahat ay magaling manloko. Pati sarili natin kaya nating lokohin e. Kung iisipin ko lang ngayon na nakakulay pusha-pusya-fusha... pucha, pink... si Aling Sungit, e di puwede ko nang paniwalain ang sarili ko na pink nga iyon at hindi porpol. Ang dali lang, di ba. Superhero na ako. Superman-loloko. Ehehehehe.

Alaala. Bakit naman kasi ang daling dayain? Hindi ba puwedeng may isip tayong parang DVD? Para puwedeng ulit-ulitin, i-rewind, i-fast forward, o i-pause. Mura lang naman ang DVD, singkwenta dalawa. Bakit kaya di naisip iyon ng kung sino man ang gumawa sa isip at alaala natin? Kung naging DVD na lang sana utak natin, tapos camera iyong mga mata natin, tapos puwede mag-transform sa malaking TV iyong talukap ng ating mga mata para kapag pumikit tayo, mapapanood natin ang kahapon, o kung anumang kabanata ng ating buhay ang nais nating balikan.

Ang ganda sigurong cartoons noon. Parang si Naruto lang. Magpaparami rin ako. Dahil gusto ko lang.

Mapagkakatiwalaan ba ang alaala? Kung kaya nating baguhin ang ating alaala, e di isang malaking kalokohan lang ang lahat. Naglolokohan na lang tayo. Paano kung hindi pala ako si Ne. At hindi si Toy si Toy. E di ang gulo na. Paano kung siya pala talaga si Ne at ako pala talaga si Toy? Lalong gumulo. Paano kung nagkataon lang na nagkauntugan kami at nagkapalit ang aming alaala, pero hindi namin alam at hanggang ngayon wala kaming malay na nagkapalit na pala kami?

Puwede na akong maging direktor.

Kung nabubura at nababaluktot ang alaala, ganoon din kaya ang kasaysayan? Hindi ba nakasalalay ang kasaysayan sa alaala? Sabihin na nating nakasalalay ito sa mga nakatalang pangyayari, pero hindi ba't kailangan mo munang maalala bago mo maitala? Paano kung nagsisinungaling ang alaala? E di wala na.

Ano pa ang mapagkakatiwalaan? Ano ang totoo?

Ang ngayon? Kung ano ba ang nakikita ko ngayon, heto lamang ang totoo? Paano ang hindi ko nakikita, nararamdaman, naririnig, naamoy, nalalasahan - wala na, peke na?

Ano ang totoo? Hindi natin alam. Basta, tayo ay nagtitiwala. Nagtitiwala sa mga alaalang ang katotohanan ay walang kasiguraduhan, ngunit mahalaga. Mahalaga dahil sa damdaming naiiwan ng bawat karanasan, bawat panahon na nagiging alaala.

At iyon ang mahalaga.

...Teka. Parang may nakalimutan yata akong tanong na dapat kong sagutin...

Buti hindi nakakabasa ng isip si Toy. Kung hindi, siguradong naasar na naman niya ako. Noong isang beses, tinanong ko siya kung saan nakasalalay ang buhay. Sabi niya, basta raw tumitibok ang puso, buhay pa. Kaso paano ang halaman, sabi ko. Tapos sabi niya, picha ka, suminghot ka na lang. At sabay tawa.

Pero saan nga ba?

Nakup. Kung nakakabasa lang talaga si Toy ng isip. Siguro high pa ako. Kaya kung ano-ano ang nasa isip ko.

Kahit ano namang isip ang gawin ko, hindi naman magiging pagkain ang mga ideya ko.

Pero basta nandito si Toy, kaya ko.

Basta nandito si Toy.

Ang Pag-iisip ni Totoy Buhok

Hindi pa ito ang maikling kuwentong nais kong isulat. Drabble siguro itong matatawag kung ito'y fanfiction. Ito ay isang pagsilip sa pag-iisip ni Totoy Buhok.


Lumalaki. Lumiliit. Lumalaki ulit. Tapos liliit din. Lumalaki-lumiliit ang supot naming bitbit. Madikit. Kasi may pandikit. Pandikit na tumatangay sa amin sa langit. Pataas nang pataas sa langit, kung saan walang aleng masungit, walang mamang maanghit. Biro mo, mas maanghit pa sa amin. Langit. Sulit ang pandikit.

Isang mahiwagang araw, sa isang mahiwaga't malayong lunan, may dalawang magigiting na kabalyero ang naglalakad patungong Silangan. Joke lang. Narinig ko lang iyon sa TV ng karinderya ni Aling Sungit. O sa radyo ba? Ewan. Pero joke lang iyon. Ang araw na ito ay katulad ng dati, katulad ng kahapon ng kahapon na katulad ng kahapon nito na katulad ng kahapon nito na katulad ng kahapon nito. Na katulad ng kahapon nito.

Gutom pa rin kami. Pero dahil sa Magik Pandikit sa lumiliit-lumalaking supot ng langit, nakakaya namin.

Ano ang hiwaga sa kahapong katulad ng kahapon na katulad ng kahapon nito? Hindi ba ang mahiwaga ay ang bago? O bago ang mahiwaga? O mahiwaga bago ang? Mahiwaga ang o bago? Wala namang bago sa araw na ito.

Anong mahiwaga sa kalye? Malamig. Matigas. Picha naman, mas malambot pa batuta ni Neneng dito eh.

Malamig. Matigas. Minsan madumi. Pero sanay naman kami ni Ne sa dumi. Mas maganda kapag madumi. Kapag madumi, mas nakakaawa. Mas maraming barya. Minsan kendi. Pero mas masaya kapag barya. Makalansing! Nakakagising. Mas gusto ko si Milyo. Milyoginaldo. Milyo na lang para madaling sabihin. Ayoko doon sa isa. Iyong maputla iyong kulay. Ayoko rin doon sa parang pinagdikit na Milyo at Putla. Nakakalito. Ang panget pa. Ano ba talaga siya, gray o gold? Sabi ni Ne iyon daw iyong tawag sa kulay noon.

Hoy, hindi ako bobo. Alam kong limang piso si Milyo. At alam kong isang piso si Putla. Tapos iyong parang Tramspormers na hanggang dikit lang ang kaya, iyon ang sampu. Kapag may lima kang Milyo, may trenta ka. Tapos kapag may bente kang Putla, may kinse ka na. Akala mo, ha. Marunong ako sa Math. Tinuruan ako ni Ne. Maraming alam iyung si Ne eh. Teka, ipapakita ko sa 'yo iyung mga tinuro niya:

2^10 = 1024
0.3 * 10^5 = 30000
11^2 = 121

Marami pa iyan! Pero, ang pinakamalupit sa lahat, heto:
d/dx (ln x) = 1/x

O ha. Sabi ni Ne, Math daw iyon. Iyong dulo, parang hindi, pero Math iyon.

Magulo. Masikip. Magaspang. Masakit sa paa. Masakit sa likod. Masakit sa mukha. Pichanamangchenes itong kalsadang ito. Pero okay lang. Kasama ko naman si Ne.

Kaya namin 'to ni Ne. Makakarating din kami sa Silangan. Kung saanman iyon.

Ang Simula ng Pakikipagsapalaran

Kahit kailan, hindi pa ako nakagagawa ng maayos na maikling kuwento o/at nobela. Ito ang simula ng pakikipagsapalaran ko sa mundong iyon.

Pakikipagsapalaran. Sapalaran. Kapalaran. Kapalad. Mapalad. Palad.

Nasa palad nga natin ang ating kapalaran. At nasa palad din natin ang pasya kung tayo'y makikipagsapalaran. Halos literal ang kaso ko - nakasalalay sa aking mga kamay kung anong anyo ng journal ang aking gagawin. Makikipagsapalaran ako. Susubukan kong lumikha ng maiikling kuwentong magkakaugnay.

Ang saya nilang tingnan.

Ang saya nilang tingnan.




Ipinakikilala ko sa inyo, 'Ang Pakikipagsapalaran ni Neneng Batuta at Totoy Buhok.'







Naisip ko ito habang nasa dyip, inaalala kung Karaoyan, Karayoan, Karoayan o kung anuman ang tawag sa magik sinturon ni Prinsipe Manawari. 'Aba,' bulong ng isip ko, 'ang mga prinsipe lamang ba ang maaaring maglakbay at makipagsapalaran?' At nabuo na nga ang konsepto at pamagat na Ang Pakikipagsapalaran ni Neneng Batuta at Totoy Buhok. Iniisip kong gawing mga bata sa probinsiya ang mga pangunahing tauhan. Pero iba talaga ang hatak ng lungsod. Hindi ba maaaring magkaroon ng mga makukulay na paglalakbay ang mga tagalungsod dahil lang masasabing malayo sila sa kalikasan? Kaya pinasya ko gawin silang tagalungsod.

Kaso, 'sino' sila? Dito'y hindi ako masyadong nahirapan. Nais kong gawing tampok ang mga batang aking nakikita araw-araw saanman -- ang mga batang kalye. Ang mga pangunahing tauhan ay dalawang batang sumisinghot ng rugby pampalipas ng gutom. Sila ay walang tirahan, walang pamilya, walang pangalan. Pagala-gala lamang sila sa lungsod. Nais kong ipakita na ang mga batang tulad nila ay maraming karanasan kung saan tayo'y maaaring matuto. Kahanga-hanga sila dahil nakakaya nila ang buhay na sobrang hirap.

Hindi sila nakapag-aral. Ngunit, ang kanilang mga idea ay hindi puro biro lamang. Minsan nga'y masasabing napakalalim ng nararating ng kanilang pag-iisip lalo na kapag bagong singhot pa lamang nila ng rugby. Parang sa layo nila sa inaasahang ginhawa ng lungsod, mas nakikita nila ang kabuoan. Napapansin nila ang mga kakatwang ideolohiya at nakasanayan ng mga tao, at ninanais nilang basagin ito.

Para sa akin, ito ang pakikipagsapalaran. Hindi kailangang pumunta ka sa ibang lugar at hindi rin kailangang mamatay o pumatay ka para sa kung anuman ang iyong ipinaglalaban. Dapat lamang ay handa kang sumugal - at kung sina Ne at Toy ang gagawing basehan, dapat ay makaya mong kumawala sa nakasanayan gaano ka man pagtawanan o kutyain, dahil iyon ang iyong naging pasya. Dahil minsan, sa pagiging iba ay mahahanap mo ang sarili, ang sarili na natabunan ng kung ano ang hinihingi sa iyo ng nasa iyong paligid, ang puro at dalisay na 'ikaw.'

Sa bawat pakikipagsapalaran o pagtangkang tumakas sa nakagawian ng dalawa ay ibabahagi ko rin ang aking mga opinyon ukol sa mga usapin sa katauhan ng mga bata. Stream of consciousness ang estilong nais kong gamitin dahil nais ko rin ipakita na bata pa nga ang dalawa at mabilis nilang ibaling ang kanilang atensiyon sa ibang bagay. Ang kausap nila ay 'hindi kilala.' Ito ay upang maaaring makita ng mambabasa ang sarili bilang kasangkot sa bawat pakikipagsapalaran, o kaya nama'y nasa loob ng isip ng dalawa.

Nais kong ipakita at ipakilala ang mga batang lansangan sa isang kakaiba ngunit pamilyar na characterization. Hindi ito isang parikala. Ninanais kong mahanap ang balanse sa pagitan ng aesthetic distance at horizon of expectations. Ang mga batang kalye na walang makain, walang pamilya, at malamang, nakatira sa kalye ngunit mapag-isip, matalino, malikhain at mapangahas. Nais kong sirain ang nosyon na ang mga batang kalye ay 'mababa,' dahil lamang wala silang pinag-aralan o sa kung anuman ang wala sa kanila. Kung tutuusi'y mas maalam sila sa buhay. Iba ang aral na kanilang natututunan -- ang kalupitan ng realidad at ang kakatwa't minsa'y walang saysay na nakagawian. Iba ang kanilang paraan ng pag-aaral -- diretso sa karanasan at aplikasyon. At nais kong ipakita na hindi ito nakabababa sa ating mga karanasan, kung hindi man mas interesante.

Ang dalawang bata ang magsisilbing aking tinig. Sa pagsisimula ng kanilang paglalakbay ay magsisimula rin ang akin.

Simulan na natin ito.


*Ang mga larawan nina Neneng Batuta at Totoy Buhok ay aking nilikha sa tulong ng isang libreng iPhone application, MakeME.

chartolentino, “Neneng Batuta,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/75826957@N03/6811830489/ (accessed February 3, 2012).

chartolentino, “Totoy Buhok,” Flickr image, http://www.flickr.com/photos/75826957@N03/6811832709/ (accessed February 3, 2012).